USUNG-USO NA talaga ang Facebook ngayon sa lahat ng mga kababayan natin sa Pilipinas. Sabi nga nila, ‘yung mga taong maraming itinatago na lang daw ang ayaw magkaroon ng Facebook dahil baka mabuko ‘yung kanilang mga sikreto. Kahit nga raw taong-grasa eh, meron nang Facebook account.
Ngunit dahil nababasa ng lahat, dapat tayong maging maingat at magalang sa ating mga inilalahad sa Facebook. Dapat din tayong maging mapagpasensya sa ibang tao na minsan ay hindi na alam ang limitasyon sa paggamit sa internet. ‘Yan nga ang konsepto ng demokrasya. Hindi mo maaaring pigilan na maglabas ng opinyon o saloobin ang ibang tao, kahit na ito ay salungat sa iyong mga paniniwala. Hindi mo rin maaaring tuligsain ang intelektwal na kakayahan ng ibang tao sa Facebook. Mahirap ‘yung talinong-talino ka sa sarili mo. Bawat butas at palya ng ibang taong gumagamit ng Internet ay sinisita mo. Hindi mo alam, marami rin pala ang natatangahan sa mga sinasabi mo.
Meron lahat limitasyon. Kadalasan, kagandang asal ang magandang pamantayan. Pero paano kung maaari mong sabihin ang gusto mo nang walang pakundangan? Sa pakikipag-usap ko sa mga kababayan natin na meron ding Facebook, tinanong ko sa kanila kung ano ‘yung mga gusto nila sanang i-post bilang status pero hindi nila magawa dahil nahihiya sila, takot na mabatikos, o umiiwas na magkaroon ng maraming kaaway. Ito ang ilan sa kanilang kanilang mga sagot. Wala pong pananagutan ang sumulat sa mga status na ito:
“Parang-awa mo na. Hindi namin gusto ‘yung mga pictures mo na walang T-shirt. Medyo nakadidiri, baka hindi mo lang alam. Masyado kang nasanay sa panonood mo ng porno.”
“Itong si Attorney naman grabeng magmalinis ngayon. Batikos ka nang batikos sa mga isyu ng gobyerno at moralidad ng ibang abogado. Ikaw na bida at anghel ngayon? ‘Di ba drug lord ‘yung kliyente mo dati? (Tapos talo ka)”
“Kapag kaaway mo boyfriend mo, huwag mo nang ilabas sa publiko. Mamayang konti naman, bati na ulit kayo. Mukha ka lang tanga.”
“Kapag sa turo-turo ka kumakain, hindi mo naman kinukuhanan ng litrato. Kapag sa restaurant, bawat plato may picture. By the way, akala mo mamahalin na ‘yung restaurant na pinuntahan mo? D’yan ako kumakain nu’ng wala pa akong pera.”
“Huwag ka nang post nang post ng litrato ng mga kotse mo. Tatay mo naman ang bumili n’yan eh, at galing yan sa PDAF. Wala ka namang trabaho, eh.”
“Double purpose naman ang pagbili ng Yolanda T-Shirt mula sa ABS-CBN. Nakatulong ka na, nakasimpleng pagpapayabang ka pa na ikaw eh, matulungin. Cheap.”
“Buti na lang at hindi ako sinagot nu’ng classmate ko nu’ng college na nililigawan ko dati. Siraulo pala ‘yun. Kung anu-ano ang sinasabi sa Facebook.”
Sampal-Tubig
By Atty. Reynold S. Munsayac