DAPAT RENDAHAN NG mga kandidato, lalo ng nasa panguluhan, ang kanilang mga kabayo at tumigil sa pagdedeklara sa kanilang mga sarili na siguradong panalo batay lamang sa resulta ng mga survey.
Mula noong 1992, laging sablay ang resulta ng mga survey kaugnay ng halalang pampanguluhan sa bansa. At kung magkakatotoo ang ganitong trend, ang mga nagdedeklara sa kanilang sarili na “tiyak na panalo”ay magigising sa katotohanan at mapapahiya kapag natapos na ang bilangan.
Base sa mga survey noong 1992, makikita sa resulta na ang mga nanguna ay hindi nagwagi sa halalan. Ang trend na ito ay malinaw na malinaw noong 1992, 1998 at 2004.
Sa pambansang halalan noong 1992, si dating Ambassador Eduardo Cojuangco, Jr. ang nangunguna sa mga survey dalawang araw bago ang eleksiyon. Sinundan siya nina dating Speaker Ramon Mitra, Jr., Miriam Defensor-Santiago, at ang nagwagi noon na si dating Presidente Fidel V. Ramos.
Matatandaan na sa nasabing panahon na ikinonsidera si Cojuangco na “sure winner” matapos siyang iendorso ng bloke kung magsiboto na Iglesia ni Cristo (INC).
Noon namang 2004, siniguro sa mga survey na mananalo sa halalan ang aktor na si Fernando Poe, Jr., lalo sa Social Weather Stations (SWS) na pinangangasiwaan ng pinsan ni Poe na si Mahar Mangahas.
Tinalo si Poe ni Bise Presidente Gloria Macapagal Arroyo sa kontrobersiyal na halalan matapos mawalan ng 1.5 milyong boto sa Metro Manila at magwagi sa pamamagitan ng landslide sa Cebu.
Maaaring magandang basehan ang mga survey sa opinyon at paningin ng publiko pero hindi madidiktahan ng mga ito ang resulta ng halalan.
Inamin ni Pulse Asia President Ronald Holmes na walang kasiguruhan ang isang survey para mabatid ang resulta ng halalan. Sinabi niya na sa mga nakaraang halalan, may malaking diperensiya ang resulta ng kanilang survey sa aktuwal na bilang ng mga boto.
May iba pang batayan ng mga laro sa halalan, at sa sagupaan sa larangan ay nakalalamang si Nacionalista Party standard-bearer Sen. Manny Villar pagdating sa pagdedeliber ng mga aktuwal na boto.
Itinatag ng NP ang pinakasolidong alyansa at nakopo ang malaking suporta sa buong bansa. Nagawa ng partido na magkaroon ng mga kandidato sa halos lahat ng posisyon sa lokal na antas sa buong bansa. (Janna Enriquez)
Pinoy Parazzi News Service