NAKAKAPANGHINAYANG. Napakaraming talented actors and actresses sa kampo ng Kapuso network na hindi nabibigyan ng pagkakataon na mas makilala pa dahil dehado sila sa movie opportunities.
Kung nagkakaroon man sila ng offers, hindi ito napo-promote ng mabuti kaya bihira umulit ang movie producers. May mga pagkakataon din na hindi natutuloy kahit sila ang first choice dahil gusto ng network na sa kanila ang TV rights.
Isa sa mga artista na original choice sa isang mainstream film ay si Thea Tolentino, who is one of Kapuso network’s best bet for kontrabida. Bida na dapat ang dalaga, pero nag-demand ang GMA-7 na sa kanila ang movie rights. Hindi sila nagkasundo ng producer kaya hindi na ito itinuloy.
Ang latest na nababalitang nag-suffer ng same fate ay si Barbie Forteza na kasama dapat ng isang controversial TV Host/actress sa comeback film nito, pero same demands na naman ang hiningi ng Kapuso network kaya naligwak ang award-winning actress sa project.
Nakakapanghinayang. Coincidentally, sina Thea at Barbie ang mga bida sa “The Half Sisters” na isa sa most successful afternoon series ng GMA-7 dahil halos two years ito tumagal sa ere.
In short, may loyal fanbase na sina Barbie at Thea na surely ay sabik na makita sila in the big screen. Hindi natuloy ang momentum. Si Barbie, nagkaroon pa rin ng shows na siya ang bida pero hindi niya naabot ang kasikatan ng mga kasabayan tulad nina Kathryn Bernardo at Nadine Lustre, na dapat ay kalevel na niya.
Recently, pansin din namin sa promo ng pelikulang The Significant Other na kahit dalawa sa tatlong bida ng pelikula ang prime artists ng GMA-7 (Tom Rodriguez at Lovi Poe), halos walang promotion na nagaganap sa home network nila habang ang ABS-CBN ay all out support ‘di lang kay Erich Gonzales kundi maging kina Tom at Lovi.
Dapat siguro na buhayin na muli ng Kapuso network ang GMA Films. Ang kaso, in the past ay puro rin ang tambalan nina Richard Gutierrez at Angel Locsin ang bida nila. Hindi sila consistent sa paglalabas ng movies. Kung ang Star Cinema ay halos once a month kung maglabas, ang GMA Films ay masuwerte na lang kung makapaglabas ng once a year. Palagi pa itong co-production sa iba.
Hindi rin natin masisisi ang mga tulad nina Ryza Cenon kung bakit sila lumilipat ng management. Sa tagal ni Ryza sa GMAAC, ngayon lang ito nagbida sa mainstream film na Mr. and Mrs. Cruz.
Sana in the coming years ay magkaroon na ng pagbabago sa pamamalakad ng karera ng Kapuso artists. Kailangan pa ba nilang lumipat ng network o ng management para mas bumongga ang kanilang career?