MAY IPINAPANUKALANG batas ngayon sa Senado na ipinagbabawal ang paggamit ng cellphone sa mga sinehan sa oras ng palabas.
Kapag naipasa ito at naging batas, hindi lang ang pagtawag sa cellphone ang bawal kundi pati ang pag-text o pag-surf sa Internet gamit ang cellphone ay bawal na rin. Sa madaling salita, dapat nakapatay ang cellphone sa oras ng palabas.
Pabor ako sa panukalang batas na ito at aking itong susuportahan para maipasa. Pero sigurado akong may ilang mga ignoranteng adik sa cellphone ang papalag. Para kasi sa mga adik na ito, kahit saan, dapat palagi nilang katabi ang kanilang cellphone at kinakalikot maging sa kanilang pag-ebak.
ANG PANONOOD ng sine tuwing araw ng Sabado o Linggo ay kasama na sa libangan ng aking pamilya. Sa tuwing kami ay nanonood, ‘di maiwasan ang maistorbo ako sa kalagitnaan ng palabas dahil sa silaw mula sa mga cellphone na kinakalikot ng mga taong bundok na nasa aming harapan.
Kung may pabuya lang sana – tulad nang payagan kang makabatok – kapag nakahuli ka ng gumagamit ng cellphone sa kalagitnaan ng palabas, saksakan na ang yaman ko ngayon sa pambabatok.
Ang hindi kasi alam at ‘di naiintindihan ng mga ignorante sa cellphone na ang dahilan ng panonood ng sine ay para makapag-relax at kalimutan – kahit man lang sa loob ng isa’t kalahating oras – ang mundo na nasa labas ng sinehan na nababalot sa samu’t saring problema.
Dito sa atin, hindi nawawala ang paulit-ulit na babala, bago ang palabas ng pelikula, laban sa mga nagbabalak na mag-camcording. Kasama sa babalang ito ang palalabasin ng sinehan ang sinumang mahuhuli.
Samantalang sa mga sinehan sa California, U.S.A., nagbibigay sila ng babala doon laban sa mga gagamit ng cellphone sa oras ng pelikula. Binabalaan ang sinumang mahuhuli na puwersahang palalabasin ng sinehan.
MADALAS TAYONG makakita ng mga paalala sa kalye na tanging sa pedestrian lane lamang dapat tayong tumawid at ang hindi sumunod ay mamumultahan. Sa ibang kalye pa nga, may babala pang ang hindi paggamit sa tamang tawiran ay mapanganib at nakamamatay.
Pero pansinin ninyo ang karamihan sa pedestrian lanes sa Kamaynilaan, nakatatakot at mas hindi ligtas gamitin. Wala kasing mga stoplight dito na maoobligang tumigil ang mga sasakyan habang tumatawid ang mga pedestrian.
Marami kasing mga bugok na driver ang hindi alam ang ibig sabihin ng “pedestrians are always right” – na pagdating ng pedestrian lane dapat mag-menor, at huminto kapag may nakitang tumatawid dito sa lahat ng oras.
Ngunit dito sa atin, walang paggalang ang maraming mga driver – lalo na iyong mga nasa public transport na palaging nagmamadali, sa mga pedestrian. Kapag kayo’y hindi isa sa mga bugok na aking tinutukoy, mapapansin ninyong sa ilang mga lugar may mga taong nakatayo sa kalagitnaan ng pedestrian lane at hindi makagalaw habang hinihintay nila na maubos ang mga sasakyan na humaharurot sa kanilang daraanan.
Nangyayari ito kapag walang stoplight o traffic enforcer na nagmamando rito. At dahil walang traffic enforcer pagsapit ng gabi at wala ring stoplight sa karamihan ng pedestrian lanes, nalalagay sa panganib ang mga taong gustong tumawid dito.
Ito dapat ang pagtuunan ng pansin ng mga pulpol nating mga kinauukulan. Ang kaso, karamihan sa kanila ay hindi nakatitikim na tumawid sa mga lansangan o napapansin ang mga taong tumatawid sa pedestrian lanes dahil sila ay palaging nakasakay sa kanilang magagarang kotse o SUV na minamaneho ng kanilang tsuper – na kasing pulpol din nila.
Shooting Range
Raffy Tulfo