MGA IPHONE, Apple iPad, HP laptop, Samsung Galaxy Note at wallet na may lamang P5,200 cash ang ilan lamang sa mga isinoli ng mga taxi driver kamakailan sa Wanted Sa Radyo upang maibalik sa mga may-ari nito.
Simula ng inilunsad ng Wanted Sa Radyo noong September 19, 2012 ang Gawad Katapatan Award – parangal na ibinibigay sa mga tapat na mamamayan – umaabot na sa 87 na mga taxi driver, UV Express driver at iba pang mga kababayan natin ang naging awardee nito.
At simula noon, ang Wanted Sa Radyo ay binabansagan na rin ngayon ng “Saulian ng Bayan” bukod pa sa pagiging Sumbungan ng Bayan.
Noong Biyernes, May 24, 2013, sampung tapat na mga tsuper ang muling nagawaran ng nasabing parangal sa studio ng Radyo5 ng TV5 sa 762 Quirino Highway, San Bartolome, Novaliches, Quezon City. Sila ay nabibilang sa 8th batch na mga tumanggap ng Gawad Katapatan Award.
Ang sampung mga tapat nating kababayan ay ang mga sumusunod: (1.) Emmanuel B. Plaza ng Vavaitha Trans, nagsoli ng iPhone5; (2.) Ermer S. Gonzales ng K&Q JAFFMHOY Taxi, nagsoli ng Apple iPad; (3.) Romeo O. Sumayang ng Norlies Angel Taxi, nagsoli ng Apple iPad; (4.) Gerry E. Gozon ng Joswelle Taxi, nagsoli ng iPhone 4S; (5.) Rommel M. Arboleda ng Balat&Fe Taxi, nagsoli ng HP laptop; (6.) Gavino B. Bacsa ng Micahqueen Transport, nagsoli ng Asus laptop; (7.) Perry P. Escamillas ng UV Express, nagsoli ng Samsung Galaxy Note; (8.) Julio L. Cabael, Jr. ng Basic Taxi, nagsoli ng Nokia C3 at Nokia E71; (9.) Bernard M. Bartolata ng Jesmie Taxi, nagsoli ng wallet na may lamang P5,200 cash; (10.) Walter M. Ramos ng Polanne Trans Inc., nagsoli ng Samsung Galaxy Y.
ILANG MINUTO pagkatapos ng nasabing awarding ceremony, isang ginang naman ang pumunta sa Wanted Sa Radyo para kunin ang maletang naiwan niya sa taxi na ibinalik sa programa. Bukod sa mga damit, ang maleta ay naglalaman ng samu’t saring alahas tulad ng mga gold necklace, ilang pirasong gold bracelets at gold earrings, pearl earrings at dalawang white gold ring na ang isa ay may diamond.
Ayon kay Rosalie Camposagrado – ang may-ari ng maleta – ang nabanggit na mga alahas ay nagkakahalaga ng P302,825.
Si Camposagrado ay area manager ng isang sikat na jewelry store sa mga mall. Ang nasabing mga alahas ay kasama sa stock ng kanyang pinagtatrabahuhang jewelry store na idi-deliver niya sana nang ito ay mapasama sa maletang naiwan niya sa taxi.
Kaya nang tubusin ni Camposagrado ang mga alahas kasama ang kanyang mister at anak, maluha-luha at paminsan-minsang napapahagulgol silang mag-asawa sa iyak dahil sa sobrang tuwa. Kapag hindi kasi naibalik sa kanya ang nasabing mga alahas, ang halaga noon ay ikakaltas sa kanyang suweldo ng kanyang kumpanya.
NAIS KO ring gamitin ang pagkakataong ito para manawagan sa lahat ng mga nakaiwan ng mga mahahalagang bagay partikular na ng mga cellphone sa taxi na mangyari lamang tumawag sa aming Action Center hotline na 410-7962 para mag-usisa kung sila ang nagmamay-ari ng ilang mga unclaimed items na nasa pangangalaga ngayon ng Wanted Sa Radyo Action Center.
Karamihan sa mga ito ay cellphone at laptop computer na naka-password blocked kaya ‘di namin mabuksan ang mga nasabing gadget upang makakuha ng mahalagang impormasyon para sa ikatutukoy ng mga nagmamay-ari nito.
Sa loob ng isang buwan kapag walang nagclaim sa mga ito – sa kabila ng paulit-ulit naming pag-aanunsyo, aming itong ibabalik sa nagsoli. Ang tawag dito ay “Return to Finder”.
Shooting Range
Raffy Tulfo