Mga Tapat na Taxi Driver (Part 2)

BAGO ANG lahat, nais kong linawin na ako ay para sa kapayapaan. Tulad ng lahat ng Filipino, nais kong magkaroon na ng kapayapaan sa Mindanao.

Pero mayroon lang ilang katanungan na bumabagabag sa aking isipan hinggil sa Framework Agreement on the Bangsamoro na pinirmahan kamakailan sa Malacañang sa pagitan ng ating gobyerno at ng mga pinuno ng MILF. Ito ang kapalit ng ARMM.

Una, dahil makakakuha ng Internal Revenue Allotment (IRA) ang Bangsamoro mula sa national government, kapag dinispalko ang perang ito ng mga namumuno ng Bangsamoro, sila ba ay sakop ng ating Office of the Ombudsman o Sandiganbayan?

O baka naman sila-sila na lang ang mag-iimbestiga sa lahat ng uri ng anomalya na mangyayari sa kanilang kinasasakupan.  Kung ganu’n, hindi kaya magkaroon ng tinatawag na moro-moro sa gagawin nilang pag-iimbestiga sa kanilang kapwa na sangkot sa mga katiwalian?

Matatandaan na ang mga bayan na sakop ng ARMM ang binansagang pinakamahirap na mga lugar sa ating bansa dahil sa matinding kurapsyon. Ngayon ang tanong, ano ang pinagkaiba ng mga taong namuno noon ng ARMM at ng mga taong mamumuno ngayon ng Bangsamoro?

ANG ISA pa ring tanong, ano ang gagawin ng ating gob-yerno sa binitiwang banta ng MNLF sa pamamagitan ni Nur Misuari na magkakagulo dahil hindi sang-ayon ang MNLF sa Framework Agreement on the Bangsamoro?

Sino ang magpapanatili ng peace and order sa Bangsamoro, ang ating PNP ba o ang kapulisan na ibubuo ng Bangsamoro? Kung magbubuo ang Bangsamoro ng sarili nilang police force, si Presidente Noynoy pa rin ba ang magiging Commander-in-Chief o ang pinuno ng Bangsamoro?

Mismong si dating PNP chief Panfilo Lacson ang nagbato ng katanungang ito. Ayon kay Lacson, nasa ating Konstitusyon na ang Presidente ng Republika ng Pilipinas ang Commander-in-Chief ng lahat ng armed forces sa ating bansa. Ang mga pulis ay maituturing na armadong

puwersa.

Kapag sakaling nanggulo nga ang MNLF at nakipagbakbakan ito sa puwersa ng MILF na siyang namumuno sa Bangsamoro, makikialam ba ang ating AFP?

NOONG MIYERKULES, iginanap ang pangalawang awarding ceremony para sa mga recipient ng Gawad Katapatan award sa studio ng 92.3FM, Radyo5 sa TV5. Sila ang pangalawang batch ng mga taxi driver na pinarangalan ng WANTED SA RADYO dahil sa kanilang labis na katapatan.

Hindi sila nagpadala sa tukso at isinauli ang mga mahahalagang bagay na naiwan sa kanilang taxi ng kanilang pasahero sa pamamagitan ng WANTED SA RADYO.

Ang mga nabigyan ng award ay sina Leoniben B. Navarro ng Baby J-EM Transport, Francisco B. Avendaño ng KNQ Taxi, Christian O. Mar ng Western Dream Taxi, Silvestre G. Pizon ng Twiline Movers Corp., Isidro M. Lozano ng Rozelyn Taxi, Nerie P. Erida ng Adecor Taxi, Rolly D. Dolar ng ABC Taxi, Romulo D. Fernandez ng Sir Alvie II Taxi, Nicomedes T. Valdez, Jr. ng Philippian Taxi, William H. Abad, Jr. ng Laguidao Taxi at Danny M. Cirera ng Kapt. Taxi.

ANG INYONG lingkod ay mapakikinggan sa programang WANTED SA RADYO sa 92.3FM, Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00 – 4:00 pm. Ito ay kasabay na mapapanood sa AksyonTV Channel 41. Kung nais ninyong magsumbong o magreklamo, magsadya lamang sa WSR Action Center na matatagpuan sa 163E Mother Ignacia St., Brgy. South Triangle, QC o mag-text sa aming text hotline sa 0917-7WANTED. 

Ang inyong lingkod ay mapapanood din sa T3 Reload, Lunes hanggang Biyernes, 5:30 – 6:00 pm sa TV5.

Shooting Range
Raffy Tulfo

Previous articleProbate ng Last Will and Testament
Next articlebukambibig

No posts to display