SADYANG MARAMING epal sa Pilipinas at ang nakakapikon ay naglalabasan ang mga ito sa panahon na matindi ang krisis sa politika dahil sa mga isyung hindi nasasagot ng pamahalaan. Sa ngayon ay maraming sumasabay sa isyu ng Mamasapano massacre at kabayanihan ng mga 44 sa SAF commando. Animo’y mga langaw na nagmamadaling dumapo sa nangangamoy na basura ng lipunan. Ito ang ilang mga bangaw ng simbahan, nagkukumpulang langaw sa Kongreso at ilang mga sumisimpleng langaw ng maduming pulitika.
Sa kabila ng pagtanggi ng Catholic Bishop’s Conference of the Philippines (CBCP) sa pagpapahayag ng pagpapababa sa Pangulo mula sa posisyon nito ay may mga miyembro pa rin ito na patuloy ang pagsawsaw sa mga isyung animo’y nabubulok na parang basura sa ating lipunan. Ang ilang mga bishop na ito ay nag-aastang bangaw na hindi pinalalagpas ang mga basura ng pamahalaang Aquino. Kaya maririnig natin ngayon sa mga istasyon ng radio, mapapanood sa mga balita sa telebisyo at mababasa sa mga pahayagan ang kanilang pagtuligsa at panawagang pagpapababa kay PNoy sa puwesto.
Maaaring karapatan nila ito bilang isang Pilipino na kritikal na sumusuri sa mga isyu ng bansa ngunit dapat din nilang alalahanin ang kanilang tungkulin, estado sa lipunan at obligasyon sa taong panatilihin ang kahinahunan ng lahat at tumulong gawing mapayapa ang ating bansa. Ngunit sa ginagawa nila ngayon ay dumadagdag pa sila sa kaguluhan at problema ng bayan natin. Hindi naman sila mga ordinaryong tao na hindi papansinin sa lipunan. Sila ay mga obispo na pinakikinggan ng maraming tao.
KUNG ISUSULONG ng ilang bishop, at ng mga kaalyado ng mga ito sa pulitika, ang pagre-resign ni PNoy sa panahon na hati ang mga tao sa kanilang paniniwalang pulitikal at magulo ang ating lipunan, saan tayo mauuwi kundi sa pagkakawatak-watak bilang isang bansa. Hindi sila tumutulong sa pag-aayos ng problema o ng tila nabubulok na basura ng lipunan, bagkus ay lalo pa nila itong pinababaho at pinarurumi dahil nagkakalat lang sila ng kasiraan sa lipunan.
Ang taong bayan ang higit na nahihirapan sa bandang huli. Tila gusto nilang pumalit ang isang pulitikong may mga isyu at baho ring nalantad sa mga pagsisiyasat ng Kongreso at Senado. Tila nga yatang may kuntiyabahan ng mga bangaw na Obispo sa mga nanlilimahid sa duming mga langaw na pulitiko, na mapagsamantala sa mga ganitong panahon para sila ay mapansin at muling makapanloko ng mga mamamayan.
Naniniwala akong may mga pribadong sektor na nagpopondo, sumusulsol at gumagamit sa mga tiwaling obispo para maghasik ng lagim. Hindi na nahiya ang mga obispong ito dahil kinakasangkapan naman nila ang kanilang pagka-obispo para sa maiitim nilang pakay. Pati ang buong simbahang Katolika ay nakakaladkad sa maduming daigdig ng pulitika dahil kinakasangkapan nila ito at tahasang inaapakan ang probisyon ng Saligang Batas na naghihiwalay sa simbahan at estado.
MAY MGA langaw naman na talagang puro basura lang ang nasa isip. Kaya naman basura rin ang mga lumalabas sa kanilang bibig at basura rin ang mga batas na kanilang nililikha. Kung napanood ninyo ang ginawang hearing sa Kongreso hinggil sa Mamasapano incident ay tiyak na aayon kayo sa akin. Marami sa mga kongresistang ito na asal langaw na nakikidapo lamang sa isang nangangamo’y na basura ng lipunan. Gaya ng mga langaw ay magugulo silang nagtatanong at palipad-lipad sa paligid ng isyu na wala namang matinong maitanong ang pakay sa pagtatanong.
Nakawawalang gana tuloy kumain kung napapanood mo na ang mga kongresista na dapat gumagawa ng mga batas sa bayan natin ay utak langaw at asal langaw. Sana ay maging paalala sa atin ang pangyayaring ito at ang kamulatang maraming langaw sa Kongreso na pinapasahod natin at nakikinabang pa sa pera ng bayan. Sa susunod na taon ay eleksyon na naman at ito na ang pinakahihintay natin na pagkakataon para bugawin at palayasin ang mga langaw na ito sa tahanan ng Kongreso.
Maging mapili tayo sa ating mga ibobotong kongresista sa 2016 Elections at siguraduhin natin na hindi na makapapasok pa ang mga langaw na ito sa loob ng Kongreso. Gaya ng mga makukulit na langaw na pilit bumabalik kahit na paulit-ulit na ito’y bugawin, may mga pulitikong mas makulit pa sa langaw at sadyang makakapal ang mukha na kahit pinalalayas mo na sa inyong lugar ay sadyang makulit na bumabalik at nagsusumiksik sa pamahalaan.
ANG PANGHULING langaw na umeepal ay mga dating langaw na pinalayas na sa gobyerno. Mga dating nasa gobyerno na walang ginawa kundi magnakaw rin at ngayon ay tila nagpapasimuno ng isang planong destabilisasyon sa gobyernong PNoy. Mga pansarili rin ang mithiin ng mga pulitikong nasa likod nito. Naghahangad sila ng destabilisasyon sa gobyerno para sila ay muling makapuwesto rito. Mga langaw na walang kabusugan at pawang mga sakit sa lipunan gaya ng pagkagutom at kawalang trabaho ang kanilang likha.
Huwag nating payagan ang isang destabilisasyon na lalo lamang magpapahirap sa atin at sa ating ekonomiya. Mawawala lamang ang kumpiyansa ng mga mamumuhunan sa ating bansa kung makikita nilang magulo ang ating lipunan. Ang kailangan natin ngayon, higit sa lahat, ay magkaisa at sama-sama nating suriin sa isang mapayapang paraan ang mga problema at tamang solusyon sa mga ito.
Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan sa 92.3 FM Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO.
Shooting Range
Raffy Tulfo