Michael Pangilinan, matiyaga sa singing career

Michael-PangilinanNAKUKUHA TALAGA sa tiyaga ng guwapong singer na si Michael Pangilinan ang unti-unti na niyang kasikatan. Diretso kasi niyang dinaraanan ang mga hirap at sarap patungo sa pangarap niya na makilala siya sa showbiz bilang singer. Sa ngayon, marami ang natutuwa sa kanya, dahil siya ang napili para maging interpreter ng kantang “Pare Mahal Mo Raw Ako” ng composer ng kanta na si Direk Joven Tan para sa Himig Handog PhilPop.

Dahil sa kanyang hilig na kumanta ay ilang taon na rin namang pinatutunayan ni Michael ang kanyang talento, at marami lalo na sa mga kasamahan natin sa press ang naaaliw sa istilo ng pagkanta ng guwapong singer, dahil kakaiba ang lamyos sa timbre ng kanyang boses. Mahal at kilala ng press si Pangilinan, dahil lagi nga siyang kumakanta sa harap ng mga manunulat. Oo, siya ‘yung guwapong bagets singer na kapag may pa-presscon si dating Governor ER Ejercito at naiinip na ang press sa kanyang pagdating ay lagi siyang pinakakanta.

Bukod sa kabaitan ni Michael, nakatutuwa rin ang ugali niya na hindi siya mahilig umeksena sa press para lang purihin at isulat man lang. Napakasimple ni Michael at walang angas talaga. Nasa kanya ‘yung ugali niyang dahil hindi pa niya talaga dati panahon para sumikat, ay hindi siya nagpapapansin. Dahil sa magaganda niyang ugali, ang daming mga kaibigan niya sa showbiz ang natutuwa sa bumobongga na niya ngayong singing career.

ChorBA!
by Melchor Bautista

Previous articleCarla Abellana, mahina ang PR sa press
Next articleTintin Bersola, ayaw nang maging newscaster

No posts to display