PARA KAY Michael V., maganda ang balita na nagkakahiraman na ang mga artista ng TV5 at GMA 7, kung saan inumpisaha na ng Kapuso artist na si Bianca King na kasama sa seryeng Obsession na napapanood na sa ngayon sa Kapatid Network.
Isa sa mga artistang hindi pa man ito nangyayari ay nakatatawid-bakod na sa Kapuso Network at TV5, naniniwala si Michael V. na hindi dapat limitahan ang kakayahan ng isang artista. Dapat may kalayaan at isa sa kalayaan na maibibigay sa kanila ay ang makagawa ng proyekto sa ibang istayon.
Positibo ang pananaw ni Michael V. na sa pangyayaring ito, higit na uunlad ang talento ng isang artista dahil nakakatrabaho niya ang iba’t ibang tao mula sa ibang istasyon. Ayon sa komedyante, kahit ang ABS ay gusto niyang i-enjoy pero sa pagkakaalam niya ay hindi bukas sa ganito ang istasyon.
Sa pagtatapat ng Pepito Manaloto at Home Sweetie Home sa ere tuwing Linggo, imbes na ma-pressure sa nangyari ay naniniwala ang komedyante na nagiging challenge ito para higit nilang pagbutihan ang kanilang trabaho, kung saan ang higit na makikinabang ay ang publiko dahil nakapanonood sila ng mga magagandang programa.
Hiningan namin ng reaksyon sa ginawang sulat ni Lourd de Veyra sa kanyang blog patungkol kay Vic Sotto para sa pelikulang My Little Bossings at ang suhestiyon na sana ay gumawa naman ang komedyante ng pelikula na makabuluhan at hindi puro komersyal lang, ayon kay Michael V. ay sana nilahat na nito ang entries sa 2013 Metro Manila Film Festival at hindi lang nagpokus sa My Little Bossings. Para kay Bitoy, mas maa-appreciate ito ng mga taong nakauunawa sa pinupunto ni Lourd, kung ginawa ito ng TV host sa lahat ng pelikula para marinig ang lahat ng gusto nitong sabihin at puntuhin, negatibo man o positibo.
Maiba Lang
By MELBA R. LLANERA