MAGDIRIWANG NG kanilang 18 years anniversary ang longest running gag show sa television, ang Bubble Gang.
Nakalulungkot nga lang sa pagdiriwang ng celebration ng gag show ay walang Ogie Alcasid dahil lumipat na ito sa TV5.
Sa taping ng 18th anniversary ng BG sa Republic, Resorts World last Monday, nakatsikahan namin si Michael V., at ayon sa actor/comedian, kahit almost dalawang dekada na ang kanilang gag show ay hindi siya nagsasawang gumawa at mag-isip ng mga bagong gimik.
True rin daw na nami-miss nila si Ogie pero wala silang magagawa dahil nirerespeto nila ang ginawang paglipat ng dating kasamahan sa ibang network.
“Before nga dumating itong pagdiriwang namin ng 18th year, nasabi ni Ogie na baka dumating siya para makisaya sa pagdiriwang. Pero sa dami ng mga ginagawa ni Ogie ngayon sa TV5, at samahan pa ng ilang problema dahil may sakit si Mang Gerry (ama ni Regine Velasquez) at iba pa, mauunawaan namin kung hindi siya makarating sa selebrasyon,” say ni Michael.
Ayon na rin sa kanilang director na si Uro dela Cruz, inimbita rin nila ang mga dating BG barkada, tulad nina Aiko Melendez, Ara Mina, Susan Lozada, Wendell Ramos, nasa TV 5 na rin, at nangako naman daw ang mga ito na darating.
Ask kung ibabalik nila ang Boy Pick Up segment ni Ogie na naging kuwela sa BG kahit wala na ngayon ito sa gag show?
Malabo na raw at bilang respeto na rin daw kay Ogie na siyang nagpasikat sa nasabing segment ay hindi na nila ito ire-revise pa uli.
Samantalang bago isinalang si Michael V sa taping ay naitanong namin kung wala ba siyang balak sundan si Ogie sa TV5 or offer sa ABS-CBN?
“May offer naman. Per project ang kontrata ko sa GMA 7. Puwede ako tumanggap sa iba pero bilang respeto ay hindi ko magagawa na basta-basta na lang lumipat sa ibang network. Unless kung may mag-offer na gawin akong news anchor sa TV Patrol. Matagal ko nang pangarap na maging anchor sa mga hard news. Seryosong pagbabalita at hindi nagpapatawa. Dream namin ‘yan ni Joey (de Leon). Kung papayag silang ako ang ipalit kay Mike Enriquez kapag absent ito ay hindi ako magdadalawang-isip, tatanggapin ko agad,” say pa ni Bitoy.
WALANG KAGATUL-GATOL na sinabi ni Bea Alonzo sa ginanap na grand presscon ng She’s The One sa Dolphy Theater last Monday na hindi mahirap mahalin ang isang tulad ni Dingdong Dantes na leading man niya sa movie na idinirek ni Mae Cruz under Star Cinema.
Tinanong kasi Bea kung nagkataon na wala siyang Zanjoe Marudo at wala namang Marian Rivera si Dong, na posible ba siyang mabihag sa actor. Ganoon din si Dingdong, pero iginiit na sana raw ay si Marian na ang babae para sa kanya.
Maganda pa sa She’s The One, kaagad nagkaunawaan ang buong cast na kasama rin si Enrique Gil na umaming pinagpawisan at tinablan sa kissing scene nila ni Bea. Sino naman daw lalaki ang hindi mabibighani sa isang tulad ni Bea na bukod sa first time niyang makahalikan ay crush pa niya. Kaya walang kagatul-gatol na inamin nito sa harap ng press at mga kasama sa movie na tinablan siya sa halikan nila.
Ask naman ang lead cast ng She’s The One kung dumalaw ba sa shooting sina Zanjoe at Marian?
Sabi ni Bea, hindi dumalaw si Zanjoe dahil may respeto raw sila sa isa’t isa. Ganoon din daw si Marian dahil nagkataon na busy rin ito sa shooting ng Kung Fu Divas.
GUSTO NA ni Paolo Bediones na magkaroon ng pamilya dahil tumatanda na raw siya.
Ang problema ay wala pa rin siyang girlfriend sa ngayon dahil sa sobrang busy at hindi pa raw siya nakakakita ng magiging dyowa.
Nangako naman si Paolo na oras na magkaroon siya ng girlfriend this time ay hindi na niya ito patatagalin at diretso na raw kaagad sila sa simbahan para magkaroon na siya ng sariling pamilya.
Ask kung anong nangyari sa relasyon nila ni Grace Lee. Natawa at napailing si Paolo dahil wala raw katotohanang nagkaroon sila ng relasyon ni Miss Lee. Nagkasama lang daw sila sa isang morning show sa TV5 at baka raw roon nagsimula ang tsismis na may relasyon sila.
Malabo raw maging sila ni Grace dahil may boyfriend na raw ang dalaga at hindi raw niya ugali na pumasok sa banyo na okupado.
Oh. C’mon!
By Gerry Ocampo