Sa pagsisimula ng opisyal na araw ng pangangampanya ni Quezon City mayoralty candidate Mike Defensor, pinasok nito ang Payatas noong Biyernes ng umaga kung saan sinaluhan siya ng mga residente at kinatawan mula sa iba’t ibang sektor sa lungsod na sumusuporta sa kanyang ipinaglalabang pagbabalik sa pondo ng taumbayan sa mamamayan sa pamamagitan ng mga reyalistikong proyekto at programa.
Humingi muna ng bendisyon si Defensor kasama ang kanyang pamilya sa Della Strada Parish bago sumabak sa motorcade patungong Phase 3, Lupang Pangako sa Payatas, kung saan inabangan siya ng mga residente.
Naging mainit ang pagtanggap ng mga mamamayan sa delegasyon ni Defensor sapagkat nauna na itong natulog sa loob ng tatlong araw sa naturang lugar kapiling ng mga residente upang higit niyang makita at maunawaan ang uri ng pamumuhay ng mga mamamayan.
Sa panayam ng mga mamamahayag, ipinaliwanag ni Defensor na ang lugar ng Payatas ay simbolo ng kanyang ipinaglalaban na pagbabago para sa tunay na pag-unlad ng Quezon City.
“Ang lugar na ito ay simbolo ng matinding pagnanais ko na maisulong ang mga programa para sa ating mga kababayan tulad ng edukasyon, pabahay, kalusugan, trabaho, turismo at mga basic services, gayundin ang infrastructure. Maunlad na ang ating lungsod subalit panahon na upang maramdaman ng ating mga kababayan, mayaman o mahirap ang tunay na pag-unlad. Naniniwala ako na dapat makinabang sila at sumabay sa ating pag-unlad,” pahayag ni Defensor.
Sinaluhan ng mga residente ng Payatas ang grupo ni Defensor kasama si vice-mayoralty candidate Aiko Melendez at congressional candidate Allan Francisco at mga konsehal sa isang ‘boodle fight’, kung saan sabay-sabay na kumain ang mga ito nang naka-kamay.
Samantala, nagkaroon naman ng malawakang pagkilos ang mga kinatawan ng mga sektor mula sa apat na distrito ng lungsod bilang pagpapakita ng kanilang suporta at paniniwala sa programa ni Defensor para sa Quezon City. Nagkaroon din ng motorcade at pakikipag-ugnayan ang mga residente sa bawat kandidatong katiket ni Defensor.
Kabilang sa mga programang ipaglalaban ni Defensor para sa mamamayan ng lungsod ang pagtiyak na magkakaroon ng health card ang lahat para sa mura at de kalidad na serbisyong medikal, mga benepisyo tulad ng buwanang allowance para sa mga senior citizens, turismo, trabaho, pagbibigay ng pantay na karapatan at pagkakataon sa mga may kapansanan, discount sa may 60 unibersidad at kolehiyo sa lungsod upang magkaroon ng mas maraming scholar bawat taon, pabahay para sa mga informal settlers sa pamamagitan ng Community Mortgage Program (CMP), pagpapalawak at pagpapatatag ng pagnenegosyo sa lungsod, pagtiyak na walang anumang pagtataas sa buwis at pagpapalago sa buhay ng mga maralitang taga-lungsod.
Parazzi Reportorial Team
Pinoy Parazzi News Service