SABI NGA nila, “pagbabago lang ang hindi nagbabago”. Itanong mo pa kay Miley Cyrus!
Kung hindi n’yo naitatanong, simula sanggol pa lang si Miley, sikat na siya! Siya’y anak ni Billy Ray Cyrus, ang popular na singer ng classic songs noon tulad ng Achy Breaky Heart, Some Gave All, Could’ve Been Me, atbp. Bata pa lamang si Miley, nakitaan na siya ng kanyang ama ng potensyal at interes sa mundo ng showbiz.
Hindi nga naman nagkamali si Billy Ray. Like father like daughter lang ang peg dahil napili si Miley gumanap bilang “Hannah Montana”. At ito na ang simula ng kanyang hindi mapantayang kasikatan.
Taong 2006 nang mabansagang Disney baby si Miley. Ito ay nang makuha niya ang role bilang “Hannah Montana”. Kay suwerte ni Ineng at kasama pa niya ang kanyang ama sa show! Hannah Montana na yata ang isa sa mga pinakamalaki at pinakamatagumpay na TV shows na nai-launch. Dahil din dito, sangkatutak ang nominations, awards and recognitions ng show at ni Miley. Kabilang na rito ang Favorite Television Actress (2007 – 2011), Teen Choice Award (2006 – 2011), Favorite TV Show (2009), Best Television Family Series (2007), Outstanding Children’s Program (2007 – 2010) at marami pang iba.
Talaga nga namang sinubaybayan ng lahat ang pagdadalaga ni Miley. Ultimo mga dine-date ni Miley, kilala ng fans niya. Nariyan si Nick Jonas, Justin Gaston, Lucas Till at siyempre hindi mawawala sa listahan si Liam Hemsworth, na kapareha niya sa pelikulang The Last Song na talaga namang pumatok sa takilya kasama na rin ang pagpatok ng love team nila sa masa. Nauwi pa nga ito sa totohanan nang umaming sila na at engage pa.
Sino na nga ba si Miley ngayon na minahal ng mga kabataan noon? From ‘We Can’t Stop’ to VMA awards now to ‘Wrecking Ball’… Miley, anyare? Dati ang nakaliligalig na ngiti at tawa lang ang pinapauso ni Miley noon, ngayon pa-twerk-twerk na lang. Is that you Hannah Montana?
Nag-iba na nga ng imahe si Miley. Tanggapin na natin ito. Masyado na siyang naging provocative at sensual sa kanyang pananamit at kilos. Pero may haka-haka rin na kumakalat na baka nga lang ito ang bagong imahe na kanyang ibinibenta ngayon sa mga bata. Kumbaga, new Miley, new market! Sa bagay, sa industriya ng showbiz, kapag wala kang bagong maipakikita, asahan mong malalaos ka.
Kahit ano man ang dahilan o pinagdaraanan ni Miley sa kanyang pagbabago ng imahe, sana naghinay-hinay muna siya. Hindi niya masisisi kung bakit ganito na lang siya kung batikusin ng mga tao ngayon. Nawala ba naman bigla ‘yung Miley na minahal nila noon, iyong Miley na iniidolo ng mga kabataan, iyong Miley na gustong maging anak ng lahat ng magulang.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo