BASE SA kasunduan ng peace process sa pagitan ng pamahalaang Pilipinas at Moro Islamic Liberation Front (MILF), 100% dapat ng mga armas ang ibabalik ng MILF sa gobyerno bilang bahagi ng “decommissioning agreement” nito. Ito ay isang hakbang sana na nagpapakita ng pagbabalik-loob ng MILF sa gobyerno. Nguni’t marami ang nagdududa sa ipinakitang tugon dito ng MILF dahil 75 piraso lamang ng mga armas ang isinuko ng grupo. Bukod dito, halos pinaglumaan din ang mga armas at sira-sira ang marami.
Ayon sa pamunuan ng MILF, hanggang dito na lang muna ang partisipasyon nila sa kasunduang “decommissioning of arms” habang hinihintay nila ang minamadaling pagpasa ng Kongreso sa BBL. Tila isang larong “laban o bawi” lang ang nangyayari ngayon na nagpapakita lamang ng kawalang sinseridad ng MILF sa usapang pangkapayapaan at pakikiisa sa pamahalaan. Dagdag pa rito ay ang pagmamatigas ng MILF sa pagsasabi na hindi ito pagsuko sa gobyerno bagkus ay pag-iibang anyo lamang ng MILF.
Paano ba natin dapat unawain ang pag-iibang anyong ito ng MILF? Bakit tila yata laging nasusunod ang MILF sa mga gusto nito lalo na sa pag-unawa at interpretasyon ng mga sinasaloob sa peace process agreement. Bakit sunud-sunuran lamang ang pamahalaan sa kung papaano gustong ipatupad ng MILF ang mga kasunduan sa pagitan nito at pamahalaan? Kung ngayon pa lamang ay wala nang magawa ang pamahalaan at sunud-sunuran na lamang ito sa MILF, papaano pa kaya kung maging ganap na batas na ito?
HINDI KO man nais magbigay ng masamang tinapay sa nangyaring “decommissioning of arms” ay hindi talaga maiiwasan na magduda sa motibo ng MILF. May dalawang mahalagang punto rito na nais kong tutukan. Una, ay ang reyalidad ng pagsasauli ng armas ng MILF. Pangalawa, ay ang interpretasyon ng MILF sa “decommissioning” na naganap. Ang dalawang puntong ito, kapag binigyang-diin ay mas magbibigay ng kahulugan para sa pamahalaan hinggil sa tunay na motibo at sikretong saloobin ng MILF sa likod ng pagkapapasa ng BBL.
Alam nating lahat na libu-libong armas mayroon ang MILF. Bukod pa sa napababalitang mayroong sariling pagawaan ng armas ang MILF, tila hindi yata tama na 75 pirasong armas lamang ang magiging tugon ng MILF sa “decommissioning process” na pinagkasunduan ng grupo at pamahalaan. Hindi man lang siguro ito aabot sa isang porsiyento sa kabuuang dami ng mga armas na maaayos ang kondisyon na hawak ng MILF, dahil halos luma lahat ng isinuko na armas sa pamahalaan at sira-sira pa ang iba sa mga ito.
Maliwanag na isang pagpapakitang-tao lamang ang ginawang pagsusuko ng armas. Ang masakit dito ay tila nagpauuto naman ang pamahalaan sa MILF dahil maluwag nitong tinanggap ang mga bulok na armas nang hindi man lang nagprotesta sa kalikasan ng mga armas na isinauli. Ang Garand Rifle na ginamit pa sa 2nd World War ay ilan lamang sa mga lumang armas na napasali sa isinuko ng MILF.
Katawa-tawa na alam nating lahat na kinuha lamang nila ito sa kanilang tambakan ng mga lumang armas, pero pinalalabas ng pamahalaan na sinsero ang MILF at dapat ng maipasa ang BBL sa lalong madaling panahon.
KUNG ANG pagbabalik o pagsasauli ng armas ang pagbabasehan ng sinseridad ay siguradong bagsak ang MILF sa panukatang ito. Ganito rin kasi ang eksena sa ginawang pagsauli ng MILF sa mga armas ng SAF 44 na pinatay nila na parang hayop lang sa bukid at pinagnakawan pa ng mga gamit. Kinatay ang mga armas at pinagkukuha ang mga mahahalagang parte ng iilang armas na naisauli sa SAF. Bakit kinatay ang armas at nasaan na ang iba pang mga armas? Tila nabaon na naman sa limot ang isyung ito.
Ngayon naman ay mga pinaglumaan at sirang armas ang isasauli ng MILF na kunwaring sisimbulo sa kanilang pagbabalik-loob sa pamahalaan. Paanong sisimbulo ang “decommissioning” na naganap sa kapayapaan kung napaloloob naman sa motibo ng MILF ay isang panggugulang o panloloko lamang. Hindi na tayo utu-uto at nagbubulag-bulagan gaya ng ginagawa ni PNoy. Dapat lalong maalarma ang Mababang Kapulungan ng lehislatibo dahil parang isang malaking panloloko lamang ang naganap.
ANG PANGALAWANG punto ay direktang nagpahihiwatig ng hindi pagsang-ayon ng MILF sa adhikain ng BBL. Para kasi sa MILF ay hindi pagsuko ito at isang pag-iibang anyo lamang ng MILF. Malinaw naman sa ating lahat na ang MILF ay isang rebolusyonaryo at armadong grupo. Sa ating Saligang Batas ay hindi pinapayagan ang isang armadong rebolusyonaryong grupo dahil ito ay pangunahing kalaban ng demokratikong lipunan na pinangangalagaan ng ating Saligang Batas.
Kung hindi susuko ang MILF sa pamahalaan ay mananatili silang kalaban ng ating Saligang Batas. Kung hindi nila isusuko ang kanilang mga armas ay patuloy silang lumalabag dito. Kung ang pag-iibang anyo na sinasabi ng MILF ay ang pananatili nila bilang armadong grupo na sinusuportahan at pinopondohan ng ating pamahalaan, ay hindi ito kailan man katanggap-tanggap sa ating Saligang Batas.
Maliwanag na ang nais lang ng MILF ay magkaroon ng lehitimong paghahari sa Autonomous Region of Muslim Mindanao. Ang gusto naman ng administrasyong PNoy ay ang maidikit sa kanyang pangalan ang pagkapapasa ng isang batas na inaakala niyang makabubuti sa ating bansa. Ngunit ang maliwanag ngayon ay isang masamang banta sa kasarinlan ng Pilipinas ang ipinakikitang kilos ng MILF.
Makinig at manood ng Wanted Sa Radyo 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00 – 4:00 pm.
Ang inyong lingkod ay mapanonood din sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn.
Mapanonood din ang inyong lingkod sa T3: Alliance sa TV5 tuwing Sabado, 4:30 – 5:00 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-5536 at 0917-792-6833. Maaari ring magsadya sa aming action center na matatagpuan sa Unit 3B Quedsa Plaza Building, Quezon Avenue corner Edsa, Quezon City.
Shooting Range
Raffy Tulfo