NAKAGUGULAT BA ang titulo ng artikulo na ito? Nagsalubong ba ang dalawang kilay ninyo? Nalungkot ba kayo? Natuwa? O napaisip kung ano ito? Simple lang naman ito. May sumunod na sa yapak ng henerasyon ng mga batang 90’s, at ito ang mga Millenials. O, ‘di ba, tunog yamanin. Ang mga millenials ay ang mga kabataan na isinilang ng taong 2000 pataas. Lakas bang makatanda mga batang 90’s?
Matanda na nga ba talaga tayong mga ipinanganak noong 90’s? Tara, ating usisain.
Lahat ng ipinanganak nang 1990, ay nasa kanilang 25 na edad na. Ang 1991 naman ay 24 na, 1992 ay 23, at 1993 ay 22. Karamihan sa mga batang 90’s na ito ay nakapagtapos na sa kolehyo at kasalukuyan nang nagtatrabaho. Puwede rin na ang karamihan sa kanila ay may taon na sa kanilang pinagtatrabahuhan o may at least 1 year na ang nakalipas na panahon nang sila ay grumadweyt sa kolehiyo.
Ang mga pinanganak naman ng 1994 ay nasa edad na 21 na, 1995 ay 20. Sila ‘yung mga bagets na kaunting kembot at tumbling na lang ay gagraduate na sa kolehiyo. Sila rin ‘yung mga naghahanda na para sa kanilang thesis defense.
Ang mga bagets naman na pinanganak nang 1996 ay ang mga nag-e-enjoy ng kanilang huling taon bilang teenager dahil sila ay 19 na. At ang pinanganak ng 1997, 1998, at 1999 ay nasa edad 18, 17 at 16 na! Ang pinakabata sa mga batang 90’s ay nakapag-sweet 16 na.
Lalo ko pa kayong paiiyakin kapag nabasa n’yo ang mga susunod ko pang sasabihin.
Alam n’yo ba na ang paborito nating Disney star na si Hillary Duff o Lizzie Mcguire ay ikinasal at isang nanay na? Ang Lizzie McGuire show rin ay natapos noong siyam na taon ang nakalipas. Ang ating nasubaybayan na si Hannah Montana o Miley Cyrus ay na-engage na at nag-iba na ng kanyang imahe?
Ang paborito nating girl superhero na si Kim Possible ay may pitong taon na ang lumipas nang siya ay napanood sa TV? Natatandaan n’yo ba ang Powerpuff Girls? Kinabaliwan iyon ng mga babaeng batang 90’s. Alam n’yo ba na 14 taon na ang lumipas nang una itong ipinalabas sa TV? E, si That’s So Raven, naaalala n’yo pa ba? Oo naman siyempre, pero gusto ko lang sabihin na may anim na taon na ring hindi ineere ang palabas na ito.
Naku po! Ang lakas ngang makatanda. Totoo nga, matanda na tayong mga batang 90’s. Napakasarap balikan ang mga kinahiligan natin noon, pero nakalulungkot din naman kasi na ating mare-realize na kay bilis nga naman ang pagtakbo ng panahon.
Dati-rati tayo ang may mga nakakatandang kasama kapag umaalis. Ngayon, tayo na ang inaatasan maging bantay ng mga mas nakababata sa atin. Pero, wala naman tayong dapat ikabahala rito, dahil may makulay na karanasan tayo na tatak batang 90’s lang, ito ang hinding-hindi makukuha mula sa atin. Para sa akin, lakas mang makatanda ng aking mga nabanggit, hindi naman maitatanggi na ating nasulit at sinusulit ang pagiging batang 90’s.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo