[imagebrowser id=405]
MAAGA PA lamang, ika-26 ng Agusto, 2013 ay nandoon na tayo sa Luneta upang tunghayan ang million people march upang i-abolish ang pork barrel. Napakaraming tao, karamihan dito na nasa middle-class at ‘yung iba ay mukhang mga elitist. Hindi rin pahuhuli ang ilang madre at pari, at ibang mga grupo ng relihiyon, Kristiyano man o Muslim.
‘Di rin mawawala roon ang mga tinatawag na talagang raliyista at mga party-list. Iisa ang isinisigaw habang nakataas ang mga kamay: “Alisin ang pork barrel!” “Makibaka ‘wag mang-baboy!” Dumalo rin ang ibang mga artista katulad ni Jim Paredes at umawit ito.
Anila, itong pork barrel ang nagpapahirap lalo sa mamamayan, samantalang nagpapasasa rito ang mga inaasahang sasaklolo sana sa oras ng mga pangangailangan. Hindi rin kaila sa atin na dapat ay napunta ito sa tamang proyekto katulad ng hard at soft projects.
Sumuko na si Janet Lim Napoles
KAGABI LAMANG ng eksaktong alas-9:37, nabalitang kusang sumuko na ang tinaguriang scammer queen na si Janet Lim Napoles sa Malacañang kay Pangulong Aquino. Itinurn-over kay DILG Secretary Mar Roxas ang binansagan scammer queen at kasalukuyang nakadetine sa Camp Crame. Siya ay pinaniniwalaang sinuko ang kanyang sarili dahilan sa takot sa kanyang buhay ilang oras lamang nang ihayag ni Aquino and pabuyang sampung milyon na nakaputong sa kanyang ulo.
Marahil sa pangyayaring ito, malalaman natin kung ano nga ba ang tunay na pangyayari sa mga alegasyon sa kanya sa umano’y paglustay ng P10 bilyon, na dapat sana ay sa mga alokasyon ng ating gobyerno para sa mga proyekto nito.
Ngunit ano ba ang ibig sabihin ng pork barrel. Na sa ibang terminong katawagan ay PDAF?
Ang PDAF o Priority Development Assistance Fund sa Pilipinas ay inalalaan bilang national budget para sa mga mambabatas at senador ng ating bansa. Tinatayang 200 million at 70 million ang nilalaan sa dalawang magkasunod na sektor taun-taon.
Kaugnay nito, noong nakaraang Miyerkules lamang kasunod ng issue tungkol sa pork barrel, nagpahayag ang Pangulong Aquino na handa siyang ipakita ang transparency reports tungkol sa kanyang PSF (president’s social fund) simula nang siya ay maupo sa puwesto upang pasinungalingan ang diumano’y hindi maipaliwanag ng mga nag-aakusa sa kanya kung saan dinala ang mahigit na P1.3 trilyong piso bilang presidential fund na pinaghihinalaang katulad din ng PDAF ay nilulustay lamang. Aniya, hayaan ang tao ang humusga.
Iisa lamang ang masasabi ko. Magpatuloy man ang pork barell o hindi, kailangan na maireporma ito. Napapanahon na upang baguhin ang sistema nito upang ang tiwala ng mamamayan ay manatili sa ating pamahalaan.
Hindi natin maaaring ikaila na tayo ay bahagi ng kuwento ng ating bansa. Naniniwala pa rin ako, darating ang panahon na matutunan natin ang magpasya ng katotohanan at tama upang maitayo natin ang bantayog ng ating pambansang watawat.
Katulad ng Panatang Makabayan at Lupang Hinirang, isang tula ng panunumpa sa tungkulin sa ating lipunan at pambansang awitin sa sumasalamin sa kagitingan at pagiging makabayan, nawa tayong mga Pilipino ay gawing batayan ito hindi lamang bilang mga simbolo, subalit kundi isapuso at isakatuparan ito.
Ito ang larawan sa canvas ni Maestro Orobia. For comments and suggestions, e-mail: [email protected]
Larawan sa Canvas
By Maestro Orobia