PAGKATAPOS MAKUNAN ng video ang kanyang bodyguard habang inaalis ang isang AK-47 sa kanyang sasakyan at putaktihin ng batikos, may bago na namang isyu laban kay Presidential Political Adviser Ronald Llamas.
Kamakailan, mismong siya naman ang nakunan ng litrato habang pumipili ng mga mabibiling pirated DVD sa isang tiangge sa Quezon City. Sa bagong isyung ito, ulo na ni Llamas ang hinihingi ng kanyang mga kritiko at gusto na siyang masibak sa kanyang puwesto ora mismo.
Walang kaduda-duda na mali para sa katulad ni Llamas na makita habang bumibili ng mga pirated DVD. Lalo pa na may pinaigting na kampanya ang ating pamahalaan kontra sa mga pirated DVD.
Pero sa kabilang banda, ang pagpunta ni Llamas sa isang tiangge sa halip na sa isang class na mall para mamili ay indikasyon na isa siyang simpleng tao at hindi maluho. At ang pagbili niya ng pirated DVD sa halip na original, na malayong mas mahal ang presyo, ay isang pahayag na isa siyang matipid na tao.
Ang karamihan sa mga tumatangkilik ng mga pirated DVD na mga simpleng mamamayan ay hindi intensyon na maisahan ang gobyerno kundi para pagkasiyahin ang kanilang suweldo sa isang abot kayang luho.
Hindi ko sinasabi rito na dahil ang kaya lamang bilhin ng mga nagtitipid na simpleng mamamayan ay mga pirated DVD, ibig sabihin hindi na mali ito.
Pero ikumpara naman natin ang ginawa ni Llamas na pagpunta sa tiangge para bumili ng mumurahing DVD sa isang miyembro rin ng gabinete na pumupunta sa isang five star hotel sa Makati kasama ang iba’t ibang mga babaeng taga-showbiz at nagwawaldas ng pera para sa mamahaling alak at masasarap na pagkain gabi-gabi.
Ikumpara rin natin ang paggastos ni Llamas ng pera sa ilang pirasong mumurahing pirated DVDs kumpara sa pagwaldas nitong isang malapit na kaalyadong congressman ni P-Noy ng milyun-milyon halos gabi-gabi sa isang sikat na casino sa Metro Manila.
At kapag pumunta kayo sa mga sabungan sa araw ng derby, makatitiyak kayong makikita ninyo ang iba’t ibang klaseng opisyal ng gobyerno ang naririto at nagpapatalo ng daan-daang libong piso. Ikumpara ninyo naman ito sa daang piso lamang na ipinambili ni Llamas ng mga DVD na kontrabando.
Sino ang may mas malaking kasalanan, ang taong naging tanga o ang taong naging korap? Alin sa dalawa ang mas nakasakit sa sambayanan?
ANG ISYU naman kay Llamas tungkol sa AK-47 kung tutuusin ay hindi mabigat na kasalanan dahil hindi ito nagamit sa pang-aabuso gaya ng panunutok o pagpapaputok. Tulad ng ibang miyembro ng gabinete kasama rin sa pribilehiyo ni Llamas ang magkaroon ng proteksiyon lalo pa’t sensitibo ang kanyang hinahawakang posisyon. Kaya, ang pagkakaroon niya ng bodyguard at baril ay no big deal.
May ilang opisyal nga ng gobyerno na nababalitaan ko sa tuwing sila ay bumibiyahe palaging may nakabuntot na dalawang back-up vehicle na puno ng mga bodygurad. Anong malay ba natin kung mga AK-47 din ang bitbit ng kanilang mga bodyguard.
Ang tanong ngayon, sadyang minamalas lang ba talaga si Llamas dala ng pagkakataon –‘ yung sinasabing being in the wrong place at the wrong time – o siya ay biktima ng mga taong may mga maitim na agenda laban sa kanya.
Shooting Range
Raffy Tulfo