SAWA KA na ba sa mga malls na pinapasyalan? Sawa ka na rin bang kumain nang kumain sa tuwing lalabas kasama ang girlfriend o boyfriend, barkada at pamilya? Sawa ka na rin bang manood ng mga pelikula sa sinehan na alam mo namang paglipas ng ilang buwan, ipalalabas na rin ito sa telebisyon? Sawa ka na rin bang mag-house to house ng mga kaibigan para roon tumambay? Sawa ka na rin bang mag-chill sa bahay buong araw? Sawa ka na ba sa mga paulit -ulit na ganap sa iyong galaan? Bakit hindi mo subukang puntahan ang mga museums na narito lang sa Metro Manila? Kakaiba na, punung-puno pa ng kasaysayan at kaalaman.
Nauuso ang mga museums bilang pasyalan ng buong pamilya, barkada at magkasintahan. Hindi lang dahil nalilibang ang kanilang mga mata ng mga sining, kundi nalilibang din ang kanilang mga utak ng bagong kaalaman sa kasaysayan.
Pero paano kung isang malaking museum ng science and technology artifacts? Hindi ba mas nakapananabik at mas nakaeengganyo ito? Panigurado na mas magugustuhan n’yong magtungo sa isang science museum. Bakit? Dahil kakaiba ito. Sanay tayo sa mga museum na ang nilalaman ay mga produkto ng kasaysayan o kaya mga sining gaya ng painting at sculpture.
Karamihan sa mga museums, may entrance fee o admission fee na hinihingi, pero hindi naman ito ganoon kamahal. Kung may mahal man na admission fee, iilan lamang ito at talaga nga naman kasi ang museum ay worth the price, ‘ika nga. Isa na rito ang The Mind Museum.
Ang The Mind Museum ay para bang isang malaking establisyimento na ang nilalaman ay mga science history at technology artifacts. Mayroon itong 250 na interactive stations na tinatalakay ang Atom, ang Earth, ang Life, ang Universe, at ang Technology. Ito ay makikita sa loob ng Mind Museum. Sa outdoor naman, iyong makikita ang Science-in-the-Park na magtuturo sa iyo ng mga kaalaman sa ating tinatawag na nature’s elements o ang sunlight, wind, water at greenery. Mayroon din dito ng JY Campos Park, ito ay isang garden na may mga samu’t saring identified plant species.
Sanay tayo sa mga museums na may mga tour guide. Sa The Mind Museum, walang tour guides dahil hahayaan nila kayong makalibot sa buong lugar nang kayo lang. Pero ang mayroon sa The Mind Museum ay mga “Mind Movers,” sila ay grupo ng mga science enthusiast na handang sumagot sa iyong mga tanong sa bawat istasyon.
Ang admission fee ay nagkakahalaga ng 600 pesos sa mga adults; 450 pesos sa mga estudyante; 150 pesos kung public school students at mga guro; 750 pesos para sa all-day pass at 2,500 pesos para sa all year pass. Basta, huwag kakalimutang magdala ng ID, sayang naman ang discount na makukuha lalo na kung estudyante pa lamang.
Mayroon itong tatlong timeslots: 9AM to 12NN, 12NN to 3PM, at 3PM to 6PM. Bukas ang The Mind Museum mula Martes hanggang Linggo at sarado naman ito tuwing Lunes.
Ang The Mind Museum ay makikita sa J.Y. Campos Park, 3rd Ave., Bonifacio Global City, Taguig.
Kaya ano pa ang hinihintay n’yo? Yayain ang buong pamilya at barkada! Magtungo sa isang museum na may twist, sa isang museum na magbibigay ng bagong kaalaman hindi lang sa history kundi pati sa science, ang The Mind Museum.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo