HUMAKOT ng 11 awards ang pelikulang Mindanao ni Direk Brillante Mendoza na pinagbibidahan nina Judy Ann Santos at Allen Dizon sa Gabi ng Parangal ng 45th Metro Manila Film Festival na ginanap sa New Frontier Theater nitong Biyernes, Dec. 27.
Waging Best Actress si Judy Ann na nanalo rin kamakailan bilang Best Actress sa Cairo International Film Festival. Tinanghal namang Best Actor si Allen Dizon na gumanap na asawa ni Juday sa Mindanao.
Best Director si Direk Brillante Mendoza at ang pelikula niya rin ang nanalong Best Picture.
Wagi rin ang Mindanao ng Best Floar, Best Child Performer (Yuna Tangod0, Best Sound, Best Visual Effects,Best Float, Gender Sensitivity Award, Gat Puno Antonio Villegas Cultural Award at FPJ Memorial Award.
Yon nga lang, na-pull out na ang Mindanao sa ilang mga sinehan kaya may panawagan ang cast at director na suportahan at panoorin ang kanilang pelikula para mabawi man lang ang production cost nito.
Walong awards naman ang nakuha ng pelikulang Write About Love ng TBA Studios na nangulelat sa ranking ng MMFF base sa resulta sa takilya.
Winner ang Write About Love ng Best Musical Score (Jerrold Tarog), Best Original Song (Crisanto Aquino – Ikaw Ang Akin), Best Editing (Vanessa de Leon), Best Screenplay (Crisanto Aquino & Jany Regalo), Special Jury Price – Full Length at 2nd Best Picture.
Nanalo rin ng acting award para sa Write About Love sina Joem Bascon (Best Supporting Actor) at Yeng Constantino (Best Supporting Actress).
Tatlong awards naman ang naiuwi ng Team Sunod — Best Production Design, Best in Cinematography at 3rd Best Picture. At isa sa Culion — Special Jury for Ensemble Acting.
Kapansin-pansin na ang lahat ng mga nanalo ng awards ay hindi gaanong kumita sa takilya kumpara sa mga pelikula nina Vice Ganda (The Mall The Merrier), Coco Martin (3Pol Trobol: Huli Ka Balbon), Aga Muhlach (Miracle In Cell No.7) at Vic Sotto (Mission Unstapabol: The Don Identity).
Nawa’y makatulong ang mga nakuha nilang awards para magkainteres ang publiko na panoorin ang kanilang mga pelikula.