Mindoro Gov. Umali at Imus Mayor Maliksi

GALIT NA galit si Mindoro Oriental Gov. Alfonso Umali Jr. sa isang dyarista dahil sa isinulat nito laban sa pagbibigay umano ng permiso sa small scale mining operation sa kanyang lugar.

Ayon sa kapatid sa hanapbuhay, nanggagalaiti si Gov. Umali dahil sinira umano ang kanyang imahen sa kanyang mga constituents.

May masisira ba, Gob? Hak, hak, hak!

Ito ang isalaksak mo Gov. Umali d’yan sa utak mo, na kahit anong paninira ang gawin ng iyong mga detractors, at the end of the day, ang mga ginawa mo pa rin ang makapagpapatunay kung kaya ka nga bang siraan sa iyong constituents!

Sa bagay, parekoy, paano nga namang hindi uusok ang wetpaks ni Gob eh, bumili yata ang kampo ng mga Villarosa ng maraming kopya ng nasabing weekly newspaper at ipinamudmod sa Mindoro!

He, he, he, mukhang napaaga nga naman ang hambalusan sa pulitika sa kanyang lalawigan.

Pero kung ako sa iyo Gov. Umali, maghanap ka rin ng dyaryo na may isyu laban sa mga Villarosa at magpabili ka rin ng sandamakmak na kopya. At ipakalat mo rin sa apat na sulok ng Mindoro!

Pero sa totoo lang, parekoy, hindi dapat sa mediaman nagagalit itong si Umali. Dahil sa naganap na kalunos-lunos na trahedya sa Cagayan De Oro City at Iligan City ay walang hindi maaalarma. Lalo na ang mga taga media!

Dahil alam ng lahat, maliban na lang sa siraulo, na ang pagmimina ay malaki ang kontribusyon sa pagkakalbo ng kagubatan. Na bandang huli ay nagreresulta ng mga pagbaha!

Kung hindi tayo nagkakamali, parekoy, ang binanggit lang sa artikulong nagpakulo sa dugo ni Gov. Umali ay ang punto na ang small scale mining ay mga lokal na pamahalaan na lamang ang nag-aapruba. Dahil ito ay sakop na ng Provincial Mining and Regulatory Board (PMRB).

Matanong nga pala kita Gov. Umali, totoo nga bang ipinangangalandakan mong hindi ikaw ang nag-apruba o nagbigay permiso sa laganap na small scale mining sa lalawigan mo?

Oki, parekoy, sakaling hindi nga ikaw ang nag-apruba, pero sinaway mo ba?

Tandaan mo ito Gob, kapag may ginagawang labag sa batas o anumang kamalian ang iyong anak at hindi mo ito sinaway, impliedly, sinasang-ayunan mo ito!

PALIBHASA HINDI natin ugaling pumuri ng isang opisyal ng pamahalaan, kaya nahihirapan tayong magsalita tungkol dito kay Imus Mayor Emmanuel Maliksi.

Bata pa kasi ang edad nito, parekoy, pero nang minsan tayong nag-obserba sa kanyang tanggapan ay kitang-kita natin ang kanyang dedikasyon sa serbisyo.

Aba eh, pagsapit ng ala-una ng hapon ay balik-upuan na naman si Mayor Maliksi at isinubsob ang ulo sa sandamakmak na dokumentong kailangan niyang repasuhin.

Pero sa totoo lang, parekoy, hindi ‘yan ang umagaw ng ating atensyon. Kundi ang kanyang pagnanais na ipadama sa mga taga-Imus na hindi na ito ang panahon ng bangayan sa pulitika. Kundi panahon ito upang isantabi muna ang pulitika at tulung-tulong na itaguyod ang bayan ng Imus.

Ipagpatuloy mo ‘yan, mayor, at natitiyak kong malayo pa ang mararating mo sa ganyang ipinakikita mo sa iyong mga kababayan!

Job well done, Mayor!!!

Target
ni June Briones
[email protected]
09152121303

Previous articleNew Year’s Resolution Para sa mga OFW
Next articleAng Mundo… Sa Loob ng Piitan

No posts to display