HABANG LUMALAPIT ang 2016 elections, mas nararamdaman natin ang init ng pulitika sa ating bansa. Matagal-tagal na rin naman tayong nagdaraos ng eleksyon bilang isang malayang estado, at alam na alam na natin ang takbo ng pulitika sa bansa. Ngayon, tila nahaharap na naman tayo sa isang pagsubok dala ng maraming partido at indibidwal na may kani-kaniyang pansariling mithiin sa darating na eleksyon.
Ang tinutukoy kong pagsubok ay ang negatibong dulot ng isang eleksyon, kung saan masyadong maraming personalidad ang nagnanais tumakbo bilang pangulo at pangalawang pangulo ng bansa. Minsan na nating dinanas ang ganitong eleksyon sa panahong kumandidato si dating Pangulong Fidel V. Ramos. Maraming naging kalaban noon si Ramos at noong siya ang nagwagi sa halalan, idineklara naman ng COMELEC na si Ramos ay isang “minority president”, samantalang ang nanalong pangalawang pangulo na si Joseph Estrada ay isang majority president.
Ang minority president ay isang pangulong nanalo ngunit maliit ang botong nakuha dahil sa naghati-hati na ang mga boto ng tao sa iba pang mga kandidato para sa pagka-pangulo. Ang majority president naman ay isang kandidato sa pagka-pangulo na nakakuha ng lagpas sa kalahati ng populasyon ngn mga botante. Si dating Pangulong Ramos ang magandang halimbawa ng isang minority president. Sila dating Pangulong Joseph Estrada at ang kasalukuyang pangulong Noynoy Aquino naman ang halimbawa ng isang majority president.
SA ITINATAKBO ng karera sa pagka-pangulo at pangalawang pangulo ngayong 2016 elections, tila magkakaroon muli tayo ng isang minority-elected president. Mas mahirap pa ngayon kaysa panahon ni Ramos, kung saan si Sen. Miriam Defensor Santiago lamang ang kanyang mahigpit na kalaban, dahil maraming kapwa malalakas na kandidato ngayon sa pagka-pangulo. Tiyak kong magiging dikit ang laban nila Mar Roxas, Grace Poe, at Binay sa pagka-pangulo at kung sakaling magbago ang isip ni Mayor Duterte ay magdedeklara rin siya ng pagkandidato para sa pagka-pangulo. Dahil nga mahigpitan ang laban ng mga kandidatong ito, tiyak na hating-hati ang mga boto at tiyak ding isang minority president ang mananalo.
Maging ang labanan ngayon sa pagka-bise presidente ay napakahigpit din. Mas marami pa kung tutuusin ang mga ito kaysa sa pagka-pangulo. Siguradong dikitan din ang laban nina Sen. Escudero, Sen. Cayetano, Sen. Honasan, Sen. Trillanes, Sen. Marcos, at Congresswoman Leni Robredo. Mas “minority” pa kung magkakataon ang mananalo sa pagka-bise presidente kumpara sa presidente. Isang solid block voting lang ay malaking bentahe na para sa mga kandidatong may sinasandalang komunidad. Si Sen. Trillanes halimbawa, may laban sa karera ng pagka-bise presidente kung ang lahat ng unipormadong military at police ay boboto sa kanya.
Marami ang problema sa isang minority president dahil mahihirapan siyang ipatupad ang mga plano ng kanyang administrasyon. Mahirap makakuha ng political support ang isang minority president, dahil hindi niya maaaring impluwensiyahan ang Senado at lalo na ang Kongreso. Magiging mabagal ang pag-usad ng mga batas na may kinalaman sa proyekto ng gobyerno at pinaniniwalaang sistemang pulitikal. Magiging mahirap din para sa ating ekonomiya ang paglago, dahil hindi gaanong makukuha ng pangulo ang suportang pulitikal para pagtibayin ang mga proyektong pang-ekonomiyang nais niyang susugan.
ANG ISANG malaking kalamangan sa atin ng U.S. government ay ang sistemang federal na ginagamit nila, kung saan ay mayroon lamang silang 2 kandidato para sa bise at pangulo sa ilalim ng kanilang tinatawag na 2 party system. Sa ganitong sistema, lagi nilang natitiyak na ang mananalong pangulo ay magkakaroon ng majority vote. Magiging madali para sa uupong pangulo ang pagpapatupad ng kanyang programa dahil makatitiyak siya ng suporta mula sa mga tao at mga nakaupong pulitiko sa Kongreso at Senado.
Madali rin sa kanila ang pagdetermina ng nanalong pangulo dahil sa ibinabase nila ang panalo sa dami ng estadong bumoto para sa isang presidente at bise presidente. Madalas din ay ang nananalong bise presidente ay ang running mate ng nagwaging pangulo. Kaya naman madali rin ang daloy ng trabaho para sa pangulo at pangalawang pangulo. Hindi gaya rito sa atin na nauubos lang ang lakas ng pangulo at pangalawang pangulo sa pagsisiraan at pag-aaway ng dalawang nasa pinakamataas na puwesto.
Napapanahon na rin talaga ang pagkakaroon ng pagbabago sa sistema ng ating pulitika, gobyerno,k at Saligang Batas. Hindi na kasi angkop ang umiiral na sistema sa kasalukuyang kamalayan ng mga Pilipino. Dapat lang talaga ay masimulan na ito kasabay ng pagpasok ng bagong liderato sa pamahalaan. Naapektuhan nang malaki ang pag-unlad ng ating bansa dahil sa patuloy nating pananalig sa makalumang paraan ng pamamahala.
ANG ISANG minority president ang dapat sana nating iwasan dahil mahina at mabagal na serbisyo ang dulot nito sa ating bansa. Ngunit hanggang nagpapatuloy ang multi-party system sa ating Saligang Batas at maraming kandidato ang maglalaban-laban sa iisang posisyon, hindi tayo makaiiwas sa isang minority president. Patuloy nating babatahin ang hamon nito sa ating bayan.
Ang darating na 2016 election ay isang bagong hamon na naman para sa ating lahat. Sana ay huli na ito na mahahati sa marami ang ating mga boto at interes. Kailangan na natin ng isang malaking electoral reform ngayon.
Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan at napanonood sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Ang inyong lingkod ay napanonood sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn.
Panoorin ang T3: Alliance sa TV5 tuwing Sabado, 4:30 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6843.
Shooting Range
Raffy Tulfo