OY, SA TOTOO LANG, hindi kami galit sa isang talk show, ha? Ilan din ang mga kaibigan namin diyan on-cam and off-cam.
Actually, ‘pag nauuwi nga kami nang maaga, palipat-lipat kami ng TV. At nadadaanan namin ang naturang talk show. Kung hihingin naman ang aming suggestion eh siguro, more on “good vibes” sana than “bira at lait” para pasukan din ng commercials.
Kasi, iba pa rin kung ang content ng programa ay natutulungan ang TV network na pumasok ang mga sponsors at hindi pansariling sponsors lang ang lumalabas. Bigla nga naming naalala ‘yung aming isang friend. “Level up na ngayon, Ogie. Ayaw ng mga advertisers ng masyadong nega o bira nang bira!”
So, payong kapatid. Mas bongga kung dadamihan ang “positive vibes” at babawasan ng “nega vibes”.
Siyempre, as a host, may commitment din tayo sa mga “bossing” na mag-aakyat tayo ng kadatungan sa kanila kahit alam nating noon pa sila mayaman. Negosyo ‘yan, eh. Gusto nating tumagal ang show, so let’s do our share, ‘ika nga.
Kung paano? Eh, alam na siguro ‘yon ng management kung paano. Kaya naman, eh. Ayaw lang.
NAKALIMUTAN NAMIN NU’NG una, pero after almost 2 hours na ipinapalabas, biglang ipinakita ang “susunod…”
Akala namin talaga, pelikula ang pinanonood namin, pero hindi pala. “A movie made for TV,” sabi nga ng isa sa mga stars nitong si Martin del Rosario ang Minsan Lang Kita Iibigin.
Nagkaroon ng advance scree-ning sa Podium two nights ago ang teleseryeng pinagbibidahan nina Coco Martin, John Estrada, Lorna Tolentino, Amy Austria-Ventura, Boots Anson-Roa, Ronaldo Valdez, Maja Salvador, Andi Eigenmann kasama rin ang alaga naming si Lloyd Zaragoza.
Ipinapanood ang unang limang episodes na hanep na ang casting, hanep pa ang istorya.
Kuha mo agad ang kuwento, pero parang gusto mo pang alamin ang buong kuwento, kaya me bago na namang tututukan ang madlang pipol sa March 7 sa Primetime Bida.
ANO RAW ANG masasabi ko sa pagtatanggol ni Ate Cristy Fermin kay DJ Mo Twister eh, samantalang kami daw ang “anak-anakan” talaga ni Ate Cristy?
Nako, sa totoo lang, wala. Okay lang naman sa amin ‘yon. Hindi namin ipagdadamot si Ate Cristy kahit kanino. Saka hindi rin kami maaasahang “bibirahin” si Ate Cristy, dahil sa mga hindi nakakaalam, si Ate Cristy po ang dahilan kumbakit may Ogie Diaz sa showbiz.
Kung hindi rin naman sa mga itinuro ni Ate Cristy na ginawa naming batayan sa buhay at prinsipyo, baka kung saan din kami pinulot.
Ang ipinagpapasalamat namin ngayon ay buti na lang, naka-establish din kami ng maraming kaibigan sa industriyang ito na alam ang ugali namin at kung paano kaming makisama. Kung lahat ay umayon kay Mo, ibig sabihin, wala kaming “mabuting buto” na itinanim sa pakikisama.
Salamat sa mga tumawag para iparamdam ang kanilang suporta sa amin. Sa mga nag-tweet, nag-text, nag-message sa Facebook, salamat talaga.
Oh My G!
by Ogie Diaz