Dear Atty. Acosta,
MAGANDANG ARAW po, Chief Acosta. Ako po ay wife ng isang seaman, ang problema ko po ay ang pakikialam ng aking biyenan sa aming mag-asawa ngunit hindi po siya nagtagumpay.
Ang pinakamasakit na ginawa niya sa akin ay ang sirain niya ang pagkatao ko at ang aking bunsong anak. Pinaghihinalaan niyang nanlalaki ako. Malinis po ang konsensiya ko at alam ko kung sino ang ama ng anak ko at hinamon ko po silang ipa-DNA test ang anak kong bunso at kung gusto pa nila isama na rin yung 2 kong anak. Ayaw naman nilang gawin. Kung gusto ko raw, sabi ng asawa ko, ako na raw ang gumastos para sa DNA test.
Ilang buwan ko pong dinala ang problemang ito. Hindi po ako makatulog, gusto ko pong sampahan ng kaso ang aking biyenan na babae. Kung kakasuhan ko po ba siya habang buhay po ba siyang makukulong? Ano po ba ang gagawin ko para malinis ang pangalan naming mag-ina?
Nagka-barangayan na po kami kasi hindi rin po matanggap ng aking family ang ginawa niya sa amin. Hindi rin naman po naniniwala sa kanya ang mga tao sa paligid namin dahil mas kilala nila ang family ko. Ang nasabi nga nila ay pera lang daw ang dahilan kaya niya nagawang sirain ako. May pagka-mama’s boy rin po kasi ang husband ko.
Sa ngayon po ay nagsasama pa rin kami bilang mag-asawa. Pero po nararamdaman kong masyado siyang na-brainwash ng mama niya. Natanong ko nga sa kanya kung wala ba siyang nararamdamang lukso ng dugo sa bunso namin. Minsan po naipasyal ng katulong ko ang mga anak ko sa biyenan ko dahil ‘yun ang gusto ng ama nila na dalawin ang lola nila habang siya ay nasa ibang bansa. Napansin ng katulong ko na iba ang trato niya sa bunso ko, kaysa sa 2 niyang apo at nakapagtataka na may picture ‘yung dalawa roon pero walang picture ang bunso.
Please po, Chief, tulungan ninyo ako para malinis naming mag-ina ang dungis na ginawa sa amin ng biyenan ko.
Teresa
Dear Teresa,
TOTOONG NAKALULUNGKOT ang mga pagkakataong mayroong tao na nais makialam at sirain ang magandang pagsasama ng mag-asawa. Mas nakakalungkot pa sa inyong kaso dahil ang mismong ina ng inyong asawa ang nais gumawa nito.
Dahil sa mga sinasabi mong paninirang ginawa ng inyong biyenan, maaari ninyo siyang sampahan ng oral defamation na isang reklamong kriminal na may kaakibat na parusang pagkakulong.
Ayon sa batas, ang oral defamation ay pinaparusahan ng pagkakakulong ng hindi bababa sa apat (4) na buwan at isang (1) araw at hindi hihigit sa dalawang (2) taon at apat (4) na buwan kung grabe at seryoso ang paninira na ginawa. Kung hindi naman, ang kaparusahan ay pagkakakulong ng hindi bababa sa isang (1) araw at hindi hihigit sa talumpong (30) araw o pagbabayad ng fine na hindi hihigit sa dalawang daang (200) piso. (Art. 358, Revised Penal Code)
Ayon sa Korte Suprema, maraming kaila-ngang tingnan sa isang kaso upang mapag-
alaman kung ang paninirang-puri ay maitutu-ring na simple lamang o grave. Ang ilan sa mga ito ay ang mismong mga salitang binitawan, ang mga pangyayari bago maganap ang paninirang-puri, ang oras, lugar at ugnayan ng mga partido. Ang mga ito ay dapat suriin upang tunay na malaman ang lebel ng paninirang-puring nagawa. (Criminal Law Conspectus, Florenz D. Regalado, First Edition, p. 653, citing People vs. Galito)
Bago kayo magdesisyon na tuluyang sampahan ng ganitong kaso ang inyong biyenan, mas maiging kausapin ninyo muna nang masinsinan at mahinahon ang inyong asawa tungkol sa mga paninirang ginawa sa inyo ng kanyang ina. Mas mainam ito dahil na-tural na maaapektuhan ng inyong pagsasampa ng kaso laban sa inyong biyenan ang relasyon ninyong mag-asawa. Maaaring hindi nasira ng inyong biyenan ang inyong pagsasama sa pamamagitan ng paninirang-puring ginawa nito, ngunit maaaring tuluyan itong masira dahil sa binabalak ninyong pagpapakulong sa inyong biyenan, na kahit ano pa man ang mangyari ay ina pa rin ng inyong asawa.
Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyon na ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong ibang maidagdag.
Nawa’y kami ay nakatulong na maliwanagan kayo sa inyong suliranin.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta