SA AKING siesta nakaraang linggo, nakarinig ako ng isang nakakurot-pusong awitin sa programang “Yesterday” ni R.J. Richard sa DZMM. Pamilyar sa akin ang malungkot na tinig ngunit ‘di sumaisip agad ang mang-aawit. Isa pa, ang awitin ay nagbukas ng maraming dalisay at malungkot na alaala sa Pasko. Oktubre na pala, mga ilang mabibilis na tulog at Pasko na.
Si Susan Fuentes ang umaawit, text sa akin ng isang kaibigan. Ah, naalaala ko si Susan, isang magandang Cebuana na pinakasikat na kundiman balladeer nung ‘80s. Marami siyang naging golden hits ngunit bigla na lang siyang naglaho sa gitna ng kanyang pinagdiriwang na tagumpay. Halos pantay sila sa katanyagan ni Pilita Corrales, isa ring Cebuana kundiman balladeer nu’ng dekadang ‘yon.
At bigla-bigla may naalaala ako. Isang Pinoy Parazzi columnist ang humihingi ng tulong para kay Susan na ngayon ay nakikipaglaban sa kanser. Gipit na gipit siya sa buhay. Wasak ang pamilya.
Sa isang showbiz talk show, narinig ko si singer Dulce na umaapela para sa kanya. Nakakataba ng puso ang pagdadamayan ng mga artista at mang-aawit sa industriya. Ang Mowelfund na itinayo ni dating Pangulong Erap ay para sa mga kapus-palad na kagaya ni Susan.
Kaiba ang lyrics at melody ng “Miss Kita ‘Pag Christmas” ni Susan. Lalo na kung mariri-nig mo ito sa kalagitnaan ng malamig na gabi ng Disyembre sa kadiliman ng iyong silid. Sinu-sino sila? Aking inay at itay, dalawang kapatid at bayaw, tiya, tiyo, lola, lolo at marami pang pumanaw nang kaibigan.
Dahil sa awitin ni Susan, higit na nami-miss ko sila ‘pag Christmas. “Ang samyo ng malamig na hangin narito na, miss kita ‘pag Christmas…”
SAMUT-SAMOT
BAKIT ‘DI si Sen. Pia Cayetano ang mag-mo-delo ng isang nagbi-breastfeed? Bakit si Mama Mary pa? Desecration ito sa Mahal na Inay, Ina ng Diyos at patron ng ating bansa. Umabot na sa ganitong kabaliwan ang balitaktakan sa RH bill. At si Cayetano ay isa sa mga nagtutulak ng panukala.
SAAN NA tayo patungo? ‘Di iilan pa rin ang nababalisa. Mid-way na si P-Noy, subalit walang tangible difference tayong nararamdaman lalo na sa uri ng buhay ng mga dukha. ‘Ika nga, pasemplang-semplang tayo. Kung saan abutin ng problema, doon lang kikilos. Wala tayong road map ng patutunguhan. Isang halimbawa ang PPP program. Bakit ‘di kumikilos ito nu’ng pamamahala ni Mar Roxas sa DOTC? Lalo siguradong kukupad ang DILG sa ilalim ni Roxas.
PAGKATAPOS NG 25 years, namamayagpag pa ang mga Marcoses. Tulad ba sa isang lason na ating isinuka, ngunit muling nilulon. At ano ang nababalita na si Sen. Bongbong Marcos ay tatakbo bilang pangulo sa 2016? Sukdulan na itong insulto sa atin. Ngunit tayo ang dapat sisihin. Madali tayong makalimot. Makalimot sa mga hanay ng taong tinumba sa dilim ni Marcos nu’ng Martial Law. Anong uri ng lahi tayo? Nakakabaliw.
TAYO NA sa Divisoria. Ngayon pa lang, pulutong na ang early shoppers sa Divisoria. Maybahay at anak kong babae ay nagsimula nang pumunta para sa murang Christmas decors at regalo. Sa maraming malls, pinatutunog na ang Christmas carols at dini-display na ang Christmas trees at iba pang Christmas sales.
ISANG NAIA janitor, Ronald Gadayan, 28, ang nagsauli ng bag na may lamang P600,000. May-ari ay isang Cebu-based passenger. Inquirer lang ang naglathala nito at ABS-CBN ang nag-broadcast. Bukod sa mga ito, wala nang nakapansin. Ganito ka dead-ma ang trato natin sa isang kabayanihan. Kung ako si Pangulong P-Noy, patatawag ko si Gadayan sa Palasyo para parangalan. Ito ang winika niya sa SONA na “everyday heroism” na dapat isakatuparan ng mamamayan.
KAMAKAILAN, ISANG graduating PMA cadet ang halos nagbuwis ng buhay sa isang hold-up sa loob ng isang jeepney sa Q.C. Binaril siya sa ulo at ngayon, comatose pa. Bahagya rin itong napansin ng tri-media. Ni walang pumuri sa ganitong kabayanihan. Nakatutok kasi tayo sa negatibo: away, tsismis, intriga. Ayan ang ating kahabag-habag na kultura.
SA KANYANG unang flag-raising ceremony sa SC, winika ni CJ Lourdes Sereneo na ang Diyos diumano ang pumili sa kanya sa posisyon. Walang masama ang mag-invoke o magpasalamat sa Diyos na Siya namang tunay na pinangga-lingan ng lahat. Ngunit ang statement na ito ay nagpataas ng kilay sa ‘di iilan. Ibig bang sabihin porke Diyos ang nag-appoint sa kanya, siya ay “infallible”? Tanong ng mga hecklers at intrigero.
MATIBAY ANG apog ni DILG USec. Rico Puno. Kung kami sa kanya, magbibigay ako ng courtesy resignation kay Sec. Mar Roxas. May public outrage sa kanya dahil sa botched hostage-taking sa Luneta nu’ng 2010. Masidhi pa ang outrage na ito. Ano ang take ninyo?
‘PAG MAKAKITA ka ng isang parak, ano’ng bigla nasa isip mo? ‘Di ba delihensya? Nakalulungkot subalit ‘yan ang imahe ng kapulisan ngayon. Araw-araw may nasasangkot na kapulisan sa various crimes kalimitan ay robbery at hold-up. Ngunit ang pamunuan ng PNP ay deadma sa imaheng ito. Tingnan natin ang galing at gilas ni Roxas. Ito’y kung ibibigay sa kanya ang management at control ng PNP. Abangan.
MAG-INGAT ANG mga motorists sa C-5. Totoong may nagkakalat ng pako at iba pang matutulis na bagay sa gitna ng highway na malapit sa isang vulcanizing shop. Nabiktima ako nu’ng nakaraang linggo. Malaking abala at perhuwis-yo.
PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez