Gusto umano ng ina ni Imelda Schweighart na samahan siya ng anak sa isang overseas trip at hindi umano alam ni Imelda kung kailan sila makababalik sa Pilipinas kaya naman minabuti na niyang isauli ang kanyang korona at mag-resign bilang Miss Philippines-Earth 2016.
Sa kanyang resignation letter na may petsang October 31, 2016 at naka-address kay Carousel Productions executive vice-president Lorraine Schuck, sinabi ni Imelda na, “Accordingly, I will not be able to fulfil my obligations as Miss Philippines-Earth indefinitely and so it is just fair for Carousel Productions, Inc. that I relinquish my crown so somebody can takeover and continue to discharge said obligations.”
Sa interbyu kay Lorraine ng CNN Philippines, gabi ng October 31, kinumpirma niya ang resignation ni Imelda.
Gayunman, lumalabas sa naturang interbyu na taliwas sa paliwanag ni Imelda ang tunay na dahilan ng kanyang resignation.
Bago ang interbyu, nakausap umano ni Lorraine si Imelda at ang ina nitong si Annabeth Bautista kaugnay ng viral video ng beauty queen.
Sa video, kausap ni Imelda ang kanyang mga tagasuporta. Maririnig na sinabi ng beauty queen na, “‘Yung nanalo, peke ilong… peke baba… peke boobs! Miss Earth, dapat natural.” Patungkol ito sa kinoranahang Miss Earth 2016 na si Katherine Espin ng Ecuador.
Pagkatapos namang lumabas ng naturang viral video, nag-upload din si Imelda ng video ng gown na suuotin niya sana pero ipinasuot kay Miss Ecuador.
Kapwa umani ng mga negatibong reaksiyon mula sa netizens ang dalawang video at lumalabas na bitter si Imelda na hindi man lang pumasok sa 16 semi-finalists sa Miss Earth competition.
Ayon pa kay Lorraine, “They voluntarily resigned. She can’t handle it anymore.”
Aniya, kukunin na lang daw si Imelda ng ina pabalik sa New Zealand para protektahan ito mula sa pambaba-bash at online threats.
Papalit sa puwesto ni Imelda si Miss Philippines-Air 2016 Kiara Giel Gregorio, na kinatawan ng Pinoy community sa London, para tapusin ang mga obligasyon bilang Miss Philippines-Earth.
Danny’s Law
by Danilo Jaime Flores