GONE ARE THE days na puwedeng lait-laitin ng mga tao ang mga pelikulang inihahain ni Bossing Vic Sotto sa Metro Manila Film Festival. Naging wake up call nga ‘yata sa dabarkads ang kinahinatnan ng huling Enteng Kabisote film na hindi nakalusot sa 2016 Metro Manila Film Festival kaya naman naging creative na sila sa pag-iisip ng mas out-of-the-box ideas.
Inumpisahan ito ng family dramedy na ‘Meant to Beh’ with Dawn Zulueta and Andrea Torres noong 2017 at ‘Jack Em Popoy: The Puliscredibles’ noong 2018 with Coco Martin and Maine Mendoza. This year, ang action-heist film na ‘Mission Impasibol: The Don Identity’ ang film entry ni Vic Sotto with Kapuso stars Maine Mendoza, Jose Manalo, Wally Bayola, Jelson Bay, Pekto, Clint Bondad and Max Collins. Para mas exciting, isinali rin ang Kapamilya stars na sina Jake Cuenca, Pokwang at Sarah Lahbati.
In fairness, maganda ang pagkakagawa ng pelikula. Hindi mawawala ang slapstick comedy ni Bossing Vic sa kanyang side kick (for a change, kontrabida rito si Jose Manalo at ang character actor na si Jelson Bay ang bagong kabatuhan ni Bossing), pero hindi rin matatawaran ang aspetong technical ng pelikula. Kahit ang fight scenes particularly ang kina Maine Mendoza at Sarah Lahbati ay napakasolid. Okey din ang casting at bago sa panlasa ng manonood. Sino ang mag-aakalang may chemistry pala sina Jake Cuenca at Maine Mendoza?
Hindi ko mawari kung kulang ba sa promotion ang lahat ng MMFF 2019 entries, pero hindi masyadong naramdaman ang ‘Mission Unstapabol: The Don Identity’ kahit pa pang-apat ito sa ranking as of writing. Sa totoo lang, winner ang pelikulang ito pero as usual, sa title ‘yata natitira si Bossing Vic. Naalala niyo ba ang isyu sa ‘Meant To Beh’ na magandang family dramedy pero hindi raw kaaya-aya ang title?
Kung mahilig kayo sa action/comedy at heist films o naging tradisyon niyo na talaga na mapanood si Bossing Vic tuwing pasko, huwag ninyo kakaligtaan panoorin ang ‘Mission Unstapabol: The Don Identity’!