USAP-USAPAN NGAYON ang misteryong bumabalot sa Mystery Manila. Kay rami na rin daw sumubok alamin ang nasabing misteryo pero walang nagtatagumpay. May haka-haka rin na kahit matatalino na ang sumubok, hindi pa rin sila nagtatagumpay. Masyado ka na bang nahihiwagaan kung ano ito? Ano nga ba ang Mystery Manila? Bakit hindi mo subukan, malay mo ikaw lang pala ang hinihintay para matuklasan ang hiwaga nito?
Ang Mystery Manila ay isang “challenge activity” na sikat ngayon sa Metro lalo na sa mga bagets. Simple lang ang nais mangyari ng Mystery Manila. Ikaw ay binibigyan ng 60 minuto o isang oras para maresolba ang misteryong iyong mapipili. Mayroong dalawang misteryong pagpipilian: ang Justice for Jamila at The Chained Chamber. Sa pangalan pa lamang ng misteryo, nagsilbi na agad itong clue kung ano nga ba ang puwedeng mangyari sa loob. Hindi na ko magbibigay ng ano pang impormasyon sa bawat misteryo para ‘di mawala ang hiwaga nito. Basta, bawat misteryo ay may isang kuwarto na may kuwentong puno ng misteryo. Pupuntahan mo ang kuwarto at ikaw ay bibigyan ng isang scenario. Bibigyan ka rin ng mga kagamitan na kinakailangan mo para mairesolba ang misteryo ng kuwarto na kinalulugaran mo. Nasasaiyo kung paano mo gagamitin ang mga nasabing clues. Kumbaga, lahat ay diskarte mo.
Marahil may katanungan na umiikot sa inyong isipan: “Ano naman mapapala ko kapag naresolba ko ang misteryo?” Ang premyo na makukuha ay depende kung gaano ka kabilis nakatakas sa Mystery room. Mas mabilis, mas maganda. Ngunit, sekondarya lamang ito sa iyong mapapanalunan dahil nangunguna riyan ay ang karanasan at ‘yung pakiramdam ng tagumpay na naresolba mo ang mahihirap na pagsubok na dala ng Mystery Manila.
Hindi ka naman nag-iisa sa hamon ng Mystery Manila dahil ang challenge activity na ito ay puwedeng gawin ng dalawa hanggang apat na tao depende sa misteryong iyong mapipili. At kung kayo ng partner mo o ng grupo mo ay ubod ng galing at nagawa n’yo nang matagumpay ang hamon ng dalawang misteryo, kayo ay mag-a-advance sa panibagong misteryo. Bawat linggo, may iba’t ibang misteryo silang ihinahanda para masubukan kayo nang husto.
Bawat grupo ay mayroong makakasama na isang game keeper. Sila ay puwede n’yong hingan ng tulong gaya ng pagbibigay ng clues sa pagreresolba ng misteryo ngunit sa bawat clue na iyong hihingin sa kanila, katumbas ‘nun ay limang minutong bawas sa inyong kabuuang oras. Mukhang nagkakasubukan nang husto sa Mystery Manila. Bakit hindi mo na nga tanggapin ang hamon nila?
Nagsisimula sa halagang P400.00 hanggang P550.00 ang halaga ng ticket depende kung gaano kayo karami sa grupo. Mas marami, mas makakatipid. Kung nakabuo na kayo ng grupo, may pamgbayad na ng ticket at buong puso n’yo nang tinatanggap ang hamon, kinakailangan n’yo lang mag-book ng inyong slots sa kanilang website mismo ang www.mysterymanila.com. Paalala, may mistery room na mahigpit sa edad ng mga manlalaro. Mayroon kasi na pang-18 na taong gulang at pataas lamang. Ang Mystery Manila ay ginaganap sa Unit 9A JW Plaza Building, 195 E. Rodriguez Jr Ave. Brgy. Bagumbayan, Quezon City. Malapit lang at kay daling puntahan. Kaya, huwag nang mag-atubili, baka kayo na nga ang hinihintay na magtatagumpay sa hamon ng Mystery Manila.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo