SA KATATAPOS NA pakikipag-tsikahan ng ilang members ng media sa Comedy Queen na si Ai Ai delas Alas, hindi naiwasang matanong ito sa isyu ngayon ng isang nagdadalamhating ina, in the person of Marlene Aguilar hinggil sa sinapit ng anak na si Jason Ivler.
Naka-relate naman daw si Ai Ai dahil minsan na rin niyang kinailangang ipagtanggol ang panganay na anak na si Sancho Vito (19 years old) sa nasangkutan nitong gulo sa isang convenience store some three years ago.
Blatantly, sinabi ni Ai Ai sa nasabing umpukan na kung kinakailangan, magsisinungaling siya para sa mga anak. Lalo na nga raw kung ang safety na ng mga ito ang namemeligro. Kaya nga raw, naiintindihan niya ang ordeal na dinaraanan ngayon ni Marlene.
Pagdating naman talaga kasi sa mga anak ni Ai Ai – ang dalawa pa ay sina Shaun Nicolo, 15 at si Sophia, 13 – hindi nga naman siya papayag na maagrabyado ang mga ito. Sa nasabing kaso nga with Sancho, hindi pa rin daw siya pumapayag sa isang amicable settlement.
Pero pagdating naman sa mga emosyonal na bagay, lalo na ang mg affairs of the heart ni Ai Ai, doon naman ito never na nagsisinungaling sa kanyang mga anak. Kaya, tanging ang mga ito lang ang nakaaalam ng tunay na dahilan ng agad-agad na paglipad ni Ai Ai sa Athens, Greece bago sumapit ang Kapaskuhan last year.
Ang internet na naman diumano ang naging daan para makilala ni Ai Ai ang nasabing Griyego. At totoo nga bang siya na ang tumuklas, kumbaga eh, nag-background check sa bagong nagpapatibok ng puso niya? Kaya kahit na ke layo ng Greece eh, mag-isa nitong pinuntahan ang nasabing lugar?
Siguro naman, walang sabit ang sinasabing kinahuhumalingan ngayon ng kasama ni Kris Aquino at Freddie Garcia sa Pilipinas Got Talent, ha? Siyempre, hindi papayag ang mga anak ni Ai Ai na paiyakin siya ng misteryosong Griyegong ito. Kasi, may nagtatanong kung guwapo raw ba ang bagong inspirasyon ni Ai Ai o ‘guwapa’?
ANG MEGASTAR NA si Sharon Cuneta ang mag-i-induct sa bagong halal na officers ng ENPRESS (Entertainment Press Society), Inc. na taunang nagbibigay ng Golden Screen Awards tuwing sasapit ang buwan ng Marso-Abril.
Gaganapin ang nasabing induction bukas, Miyerkules, Pebrero 3 sa Imperial Palace Suites sa ganap na ika-5 ng hapon kung saan isang Holy Mass ang ise-celebrate at 5:30 p.m.
Muling magsisilbi bilang pangulo si Jun Nardo: vice-president si Dinno Erece; secretary si Lotlot Antazo; treasurer si Lito Manago; at auditor si Rohn Romulo. Ang bumubuo naman ng Board ay kinabibilangan ng inyong lingkod kasama sina Ricky Calderon, Rose Garcia, Archie de Calma, Danny Vibas, Roland Lerum, Boy Borja, Nonie Nicasio at Alwyn Ignacio.
Sinimulan na ng nasabing samahan ang pagre-review o muling pag-screen ng mga notable na pelikulang maglalaban-laban sa darating na Golden Screen Awards sa Marso o Abril.
Noon pa man, kabilang na si Sharon sa mga kapanalig sa industriya na walang sawang sumusuporta nang buong puso sa nasabing samahan.
The Pillar
by Pilar Mateo