SA ILANG araw pa lang na naipo-post sa facebook ang teaser ng MM357 na pinagbibidahan ni Jeorge Estregan, umaabot na sa mahigit 7,000 views ang nakuha nito. At ang nakatutuwa pa, marami ang nag-comment na aabangan nila ang nasabing pelikula, kung saan isa ito sa official entry sa nalalapit na Metro Manila Film Festival.
Karamihan sa mga nag-like at nagbigay ng kanilang comment ay ang mga kapatid nating Muslim, at meron pa ngang nag-post at nag-share na isang dayuhan na mula pa sa bansang Libya at nagsasabing parang isang Hollywood movie ang pagkakagawa ng teaser ng MM357.
Lumawak ang followings ni ER mula nang buhayin niyang muli ang action film na sinimulan niya sa Asiong Salonga na sinundan ng The Emilio Aguinaldo Story at ang huli nga ay ang Boy Golden.
Ang lahat ng mga nasabing pelikula ay humakot ng mga awards, kung saan walong “Best Actor” tropies ang nasungkit nito.
Kaya naniniwala kami na hindi pahuhuli itong MM357 sa takilya dahil maraming action film afficionados ang nag-aabang na rito lalo na nang magiging tatak kay ER ang Asiong Salonga na siyang tawag sa kanya kahit saan siya magpunta.
Samantala, marami ang na-curious kung sino raw ‘yung mukhang batang pulis na nakita nilang bumabaril sa teaser. Well, ang guwapong bagets na iyon ay walang iba kundi ang anak ni ER na si Jerico na hinuhubog bilang batang action star.
Kinakitaan ng malaking potensyal si Jerico bilang action star dahil sa pagiging athletic nito na hindi naman kaila na ito ang team captain ng De La Salle University Track and Field Team na lumalaban sa UAAP.
Sa pelikulang ito, makikita ang kanyang bilis at husay sa mga action scenes at maging si Direk Jun Posadas na siyang direktor ng MM357 ay humanga rito. Madaling pumik-up ng instructions kaya konting tulak pa ay lalo pa itong huhusay lalo pa sa paggabay ng kanyang amang si ER.
Pawang matitindi at magagaling na artista ang sumusuporta sa pelikulang ito tulad nina Roi Vinzon, John Regala, King Gutierrez,Victor Basa, John Hall, Baron Geisler, Levi Ignacio, Amay Bisaya, Boy Roque, at Gerard Ejercito. Ang leading lady rito ay si Sam Pinto at ang pagkakaalam din namin ay kasama rin dito sa Bernadette Allyson.
Ang MM357 (Muslim, Magnum 357) ang siyang official entry ng Scenema Concept Int’l at Viva Films sa 2014 Metro Manila Film Festival.
Ni Raymund Vargas