GOOD NEWS nga kayang maituturing ang pagbasura sa apela ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ng Court of Appeals hinggil sa kasong ikinatalo nila sa mababang korte? Ang tinutukoy ko ay ang panghuhuli at paglalabas ng MMDA sa kautusang nagbabawal manigarilyo sa pampublikong lugar.
Dalawang tao kasi sa mga nahuli ang nagsampa ng kaso sa MMDA ng abuse of authority. Kinatigan ng mababang korte ang reklamong ito kaya nauwi sa pagdadala ng MMDA sa Court of Appeals ang kaso.
Walang kapangyarihan ang MMDA na magpatupad ng pagbabawal manigarilyo sa pampublikong lugar at manghuli sa mga lalabag dito. Ito ang posisyon ng Court of Appeals. Sampal nga ba ito sa kapangyarihan ng MMDA? Ngunit maganda naman ang hangarin ng MMDA at ito ay para protektahan lang ang kalusugan ng mga tao sa Metro Manila.
Minsan talagang napakahigpit ng batas at talagang nakapiring ang mga mata nito. Kahit pa sabihin nating mabuti ang intension ng MMDA, hindi ito nakasasapat kung sumasalungat naman ang mabuting intensyon sa isinasaad ng batas hinggil sa karapatan at kalayaan ng bawat isa. Mas lumalabas ngayon ang pangangailangan ng pagrerepaso sa mga batas hinggil sa isyung ito. Dapat na ring mas palakasin pa ang kapangyarihan ng MMDA para mas magampanan nito ang tungkuling alagaan ang kapakanan ng mas nakakarami.
ANG MGA naging kapalpakan ng gobyernong Aquino sa loob ng halos 6 na taon ang nais kong puntuhan sa artikulong ito. Ito ay upang masuri natin ang mga nangyari at maging batayan sa haharapin nating bagong gobyerno sa pagbaba ni PNoy sa puwesto.
Sa aking pananaw ay nagmumula ang kapalpakan sa estilong kompanya sa pamamalakad ni PNoy ng kanyang gobyerno. Ang ibig sabihin ay dinala ni PNoy ang kultura ng isang pribadong kompanya sa pagpapatakbo ng mga ahensya ng gobyerno, gaya ng nangyari sa MMDA.
Hindi ko sinasabi na may mali sa kultura ng pagpapatakbo sa mga pribadong kompanya. Ang nais kong puntuhan ay ang hindi pagiging angkop nito sa isang demokratikong bansa tulad natin at ang pagkakaroon ng iisang Saligang Batas na humahabi sa lahat ng desisyon ng pamahalaan. Ang dalawang mahalagang konseptong dapat talakayin dito ay ang pinanggagalingan ng kapangyarihan at motibo ng kapangyarihan.
Sa isang pribadong kompanya ay maliwanag ang pinanggagalingan ng kapangyarihan. Ito ay ang employer o mamumuhunan. Ang motibo ng kapangyarihan ay dito rin nanggagaling. Ang ibig sabihin, sa normal na set up ng isang kompanya ay sunud-sunuran lang ang mga tauhan o empleyado sa gusto ng may-ari at minsan ay ginagamit sila sa motibo ng kompanya.
ITONG IDEYA na ito ang hindi angkop sa pagpapatakbo ng isang demokratikong bansa tulad natin. Hindi puwedeng gamitin ang mga tao para sa isang motibo ng gobyerno. At lalong hindi dapat nagmumula ang kapangyarihan sa ehekutibo, bagkus ito’y nanggagaling sa mga tao.
Hindi maaaring balewalain ng pamahalaan ang mga karapatang nakaatang sa bawat isang mamamayan, kahit pa ang karapatang minsan ay nagdudulot ng kapahamakan sa nagmamay-ari ng karapatan at sa ibang tao, gaya ng sa isyu ng paninigarilyo sa pribado man o pampublikong lugar.
Nagkulang ang gobyernong Aquino sa pagbibigay halaga sa isinasaad ng Saligang Batas. Kaya naman makailang ulit ding dinisiplina ng Korte Suprema ang gobyerno ni PNoy, lalo na sa isyu ng DAP. Mahalaga ang konsepto ng pampubliko at kapakanan ng mamamayan sa pagpapatakbo ng bansa. Hindi gaya ng isang pribadong kompanya na hindi binibigyang halaga ang dalawang bagay na ito.
Ganito ko nakikita ang estilo ni PNoy. Tila ginawa niyang mala-Hacienda Luisita ang Pilipinas sa kanyang estilo ng pamumuno. Lagi silang naninindak at mahilig magbato ng sisi sa maraming tao. At kung ang pahayag na ginawa ng isang tauhan nila ay hindi masarap sa kanilang panlasa ay kaagad itong tinatanggal sa puwesto gaya na lang ng nagsabi umano na ang patay sa bagyong Yolanda ay umabot sa sampung libo.
DAPAT AY matuto ang susunod na mamumuno sa pamahalaan mula sa mga kapalpakang dinaanan ng gobyerno ng tuwid na daan. Wala namang perpekto at dapat ay bukas lang lagi ang mga pinuno sa mga pagbabago para sa ikauunlad ng Pilipinas.
Imbes na magsiraan ay magtulungan dapat ang mga lider na ito. Makikita naman natin ngayong papalapit na ang eleksyon kung sino ang mga gustong makatulong sa bansa at kung sino ang mga nananamantala lamang sa isyu ng kapalpakan ng gobyerno ni PNoy.
Piliin natin ang mga may malilinis na pangalan at hindi nasasangkot sa katiwalian. Piliin din natin ang mga hindi kumakalaban sa batas at sa mga sangay nito gaya ng Court of Appeals at Korte Suprema. Ang batas ang tanging mapagkakatiwalaan natin na laging magbibigay proteksyon sa atin ng walang ano mang masamang balak.
Ang mga nasupalpal ng batas ay kailangang magpasailalim dito at hindi lumaban. Ang mga lumalaban sa batas at hindi nagtitiwala rito ay tiyak na may pansariling motibo at nagbabalak ng panglalamang sa kapwa tao.
Ang Wanted Sa Radyo ay napakikinggan at napanonood sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Ang inyong lingkod ay napanonood sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn.
Panoorin ang T3: Alliance sa TV5 tuwing Sabado, 4:30 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6843.
Shooting Range
Raffy Tulfo