NAGING ISYU PA itong pelikulang Father Jejemon ni Mang Dolphy dahil sa kinontra ng simbahan ang ilang eksenang tila ginawang mockery ang Holy Communion na masasabing isa sa banal na sakramento ng simbahan.
Kaya nirepaso uli ng MTRCB ang pelikulang ito pero nag-self-regulate na rin ang RVQ Productions at humingi na rin ng paumahin si Mang Dolphy sa simbahan at wala naman daw silang intensiyong insultuhin ang simbahan. Kaya malamang na tinanggal na nila ang mga eksenang ‘yun para hindi na magulo.
Sana hindi naman ito makakaapekto sa pelikula.
Malapit nang magsimula ang MMFF na bubuksan ng makulay na parada at ang dinig namin may sariling float si Mang Dolphy bukod sa karosa ng Father Jejemon.
Siyempre, hindi na kagaya ng dati ang kalagayan nito kaya ihiwalay na lang siya para hindi naman ito mahirapan.
Abangan na lang natin kung anong karosa meron si Mang Dolphy, dahil parang pope mobile daw ito na merong oxygen sa loob at kung anik-anik na mga apparatus para ma-ging kumportable lang siya.
Aminado naman si Mang Dolphy na kapag hirap siyang huminga, nag-o-oxygen siya agad.
Basta hangad pa rin naming lahat na marami pang MMFF na masasalihan si Mang Dophy. Hindi kumpleto ang MMFF kung walang Dolphy movie, ‘no!
NAPANOOD KO ANG interview ni Nadia Montenegro sa Showbiz Central at kinukulit pa nila ako na sagutin, pero ayoko na. Wala na akong panahon, ‘no!
Wala naman siyang pangit na sinabi laban sa akin, pero ipinaparating naman sa akin kung ano ang mga pinagsasabi nito sa Facebook.
Obvious na ako raw ang tinutukoy sa mga sinasabi niya sa Facebook na sinasagot naman ni Mark Herras. Kaya dedma na lang ako. Nagkakaintindihan naman silang dalawa, kaya okay na ‘yun, ‘di ba?
Paskong-Pasko naman ngayon, mas aligaga ako sa panghaharbat ng ireregalo sa akin. Pati ang mga tao, abala rin sa mga Christmas party, kaya dedma na lang.
Kung patuloy pa siya sa pag-atake sa akin sa Facebook, baka sa 2011 ko na lang siya pansinin.
Tingnan na lang natin kung bibigyan ko siya ng magandang buwena-mano.
ILANG ARAW DIN TAYONG magpahinga sa Pinoy Parazzi kaya hangad ko na lang na maging peaceful ang ating Pasko hanggang Bagong Taon.
Sana tangkilikin n’yo ang lahat na mga pelikulang kalahok sa Metro Manila Film Festival, lalo na ang Si Agimat at si Enteng Kabisote, ‘no!
Kagabi nga ay nagkaroon sila ng premiere night at dinagsa raw ito ng napakaraming manonood.
Inaasahang ito na ang ma-ngunguna sa takilya kaya nakaka-pressure tuloy kina Sen. Bong Revilla at Vic Sotto.
Ayaw na raw nilang isipin kung sino ang mangunguna sa takilya. Ang mahalaga, maganda raw at entertaining ang pelikulang pinagsamahan nilang dalawa.
Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis