MAY INILABAS AKONG blind item sa column ko sa isang diyaryo tungkol sa isang male radio-TV host na may katsikahan ito sa eroplano na isang Amerikanang ‘di gaanong bata, nang papunta ito ng Amerika kamakailan lang.
Ayon sa kuwentong nakarating sa akin, maganda raw ang tsikahan nitong male radio-TV host at itong Amerikana na maganda pa rin dahil dating model pala ito.
Hanggang sa umabot na raw sa sex ang kanilang usapan pero wala namang nangyari dahil nasa eroplano nga sila. Pero pagdating nila ng Amerika, nagulat daw itong si Kana dahil pinagkaguluhan itong male radio-TV host ng ibang kababayan natin doon. Kaya tinanong daw ito kung celebrity ba ito sa ‘Pinas na nag-oo naman siya agad. Nagulat itong katsikahang Amerikana na isa palang celebrity ito kaya na-starstruck siyang bigla.
Hindi na raw siya nilubayan nitong Amerikana hanggang sa nagpa-book din ito sa hotel na tinutuluyan nitong male radio-TV host.
Kinulit-kulit daw siya ng tawag pero dedma itong si host hanggang sa ‘di na matagalan ang kakulitan ni Kana, kinausap daw nito ang isa niyang kaibigang lalaki at pinapunta roon sa kuwarto nitong Kana. Ang ending, nagkatsuktsakan daw itong Kana at ang kaibigan nitong male radio-TV host.
Naulinigan ng isa ring male radio-TV host ang aming pinag-usapan at nag-react siya. Iba raw ang kuwento sa kanya nitong kaibigan niya dahil hindi naman daw ang kaibigan nito ang nakatsuktsakan nitong Kanang makulit kundi mismong itong male radio-TV host.
Magkaiba ang bersyon ng ending. Kaya lang nagtataka kami kung bakit magkaiba ang kuwento nitong male radio-TV host.
Nang lumabas ‘yun, kaagad na nag-react si DJ Mo Twister at inamin nitong siya nga ‘yun.
Sa halip na klaruhin ang kuwento, inalipusta ako nang husto sa Twitter account niya at sa e-mail na ipinorward sa akin ng isang kaibigan.
Bakit daw wala akong tapang na magbanggit ng pangalan ng subject ng aking item, kundi idadaan sa blind item. Duwag daw ang gumagawa ng ganu’n.
Kaya sinagot ko rin siya nang bonggang-bongga sa isa kong column. Pero gusto ko lang uling linawin kay DJ Mo na matagal nang kalakaran sa showbiz journalism o kahit sa iba pang uri ng pagsusulat ang blind item.
Nakaka-titillate ito sa mga readers at entertaining kaya mas enjoy sila sa pagbabasa ng blind item, lalo na kung nahuhulaan nila.
Minsan ay mas masarap basahin ang blind item kung ang subject mo ay ‘di naman gaanong kasikatan. Kaya i-blind na lang.
Lahat naman ng naisulat ko ay pinanindigan ko at hindi ako bumabawi gaya ng ginagawa niya noon, at isa na nga rito ang nangyari sa kanila noon ni Rufa Mae Quinto.
Kaya huwag siyang matapang-tapangan, dahil ilang beses na rin namang naging bahag ang buntot nito kapag naiipit na siya sa sobrang kadaldalan.
I’m sure, hindi pa rin titigil ang pagrepeke ng bibig nitong si DJ Mo, pero nasabi ko na ang lahat kung sabihin. Hindi ko na siya papatulan!
TIYAK NA MATUTUWA nang husto si German Moreno sa QC Mayoralty candidate na si Sec. Mike Defensor dahil bilib na bilib pala ito sa naisip ng master showman na gawing City of Stars ang Quezon City.
Naniniwala si Sec. Defensor na sa Quezon City lang puwedeng ipatayo ang mala-Universal Studio dahil nandito ang lahat na mga network at ilang film outfit.
Kaya mas maganda raw kung makapagpapatayo rito ng isang malaking studio (kahit hindi kasing laki ng Universal sa Amerika) para gamitin sa pagti-taping o shooting.
Bilang artist ay bilib siyang nabi-visualize na ito ni Kuya Germs, pero sa manager’s point of view maganda raw ito kung matutuloy dahil malaking bagay ito para lalong umunlad ang Quezon City.
Kaya sana matupad daw ito at kung gusto raw itong ipursige ni Kuya Germs, isa siya sa susuporta rito.
Ang isa pang naisip ni Sec. Mike Defensor ay mala-Wax Museum, kung saan doon ilalagay ang mga wax statue ng mga kinikilalang haligi ng movie industry at sports para maging isa sa mga tourism destination ng QC.
Tinanong namin si Sec. Defensor kung sino ang unang pumasok sa isip niya na dapat gawan ng wax statue. “Si FPJ,” mabilis niyang sagot.
Ang Da King Fernando Poe Jr. lang daw ang masasabing kilala ng mga matatanda hanggang sa mga kabataan ngayon. Dapat na isa raw sa bigyan ng magandang parangal si Da King.
By Gorgy’s Park