Mo Twister, inaakusahan si Rhian Ramos na nagpa-abort?!

KAMI ANG BINABATO ng tanong porke nakaaway namin dati (at hanggang ngayon, hindi pa rin naman kami ayos, tumahimik na lang ang magkabilang kampo) si DJ Mo Twister.

Ano raw ba ang masasabi namin sa mga tweets ni DJ Mo tungkol sa abortion? Totoo raw bang galit na galit ito kay Rhian Ramos, dahil dapat sana’y magkakaanak na sila, pero ipina-laglag lang ni Rhian?

Actually, honestly, hindi namin alam ang isasagot dito, dahil unang-una, hindi namin kilala nang personal sina Mo at Rhian at hindi rin kami privy sa mga nangyayari sa kanila during their relationship.

‘Yung isyung kung nagpa-abort ba si Rhian ay isang akusasyon. Hindi pa kumpirmado. Nananatiling tsismis. Pero kapag pinangalanan ni Mo (for example) si Rhian nga ‘yung nagpa-abort, depende kay Rhian ngayon kung idedemanda niya si Mo o idededma na lang niya ito.

Ano sa palagay n’yo?

SA KULTURA NATING mga Pinoy, ang isang sanggol (kahit fetus pa lang siya o heartbeat pa lang siya) ay itinuturing nang biyaya ng Diyos kahit pa ito’y dulot ng “unwanted o unplanned pregnancy”.

Whether si Rhian ‘yon o ibang babae ang ipinapahiwatig ni Mo na “ipina-abort” ang baby nila, maling-mali ang abortion.

Si Mo ay kilalang-kilala na kung ano ang saloobin, ‘yun ang kanyang ibubulalas. Kahit pa pangit sa pandinig o makasakit man ng damdamin ng ibang tao ang pakakawalan niyang salita, wala siyang pakialam.

Pero sa puntong ito, na hanggang ngayon ay nagagalit siya kumbakit ipina-abort ang baby nila ay damdamin na niya ‘yon. Hindi na natin saklaw.

Maaaring ‘yung iba, maiintindihan si Mo. ‘Yung iba nama’y hindi siya maiintindihan, lalo na ‘yung mga galit sa kanya na kung anu-ano ring masasakit na salita ang ibabato sa kanya ngayong siya naman ang nasa gitna ng isyu.

Anyway, hindi para batuhin namin si DJ Mo ngayon, porke sinabi niya noon na magse-celebrate siya ‘pag namatay ang nanay ko. Bagkus ipinagdasal ko pa ang nanay niya para mas humaba ang buhay nito.

Hindi rin para sabihin naming ang bilis ng karma kay Mo sa ginawa niya sa aming ina, dahil noon pa, kahit hindi pa siya humihingi ng tawad ay natutuhan na namin siyang patawarin.

Kesa mag-wish ng karma sa kapwa, lagi na lang naming sinasambit ang mga salitang, “Hindi naman natutulog ang Diyos.”

Kaya kay DJ Mo, sa kanyang pinagdadaanan ngayon, sana ay malampasan niya lahat ng ito. Kung sa palagay niya’y madali siyang makalilimot kung maninirahan na siya sa ibang bansa, idasal din niya’t humingi siya ng senyales kung tama ang gagawin niya.

At kung kami kay Mo, ‘wag na siyang magparinig sa twitter. Harapin na niya ‘yung taong involved sa abortion.

Pero nagpa-abort nga ba?

FAMILY DAY SA ilang schools nu’ng Sabado. At hindi kami naiiba riyan, dahil kami ang um-attend para sa tatlo naming anak na nag-aaral. Wala kasi ang madir, nasa London.

Si Aiko Melendez din ay nag-tweet. Nasa Family Day naman sila sa school ng inaanak naming si Andrei. Kasama ni Aiko ang anak naman niya kay Martin Jickain na si Marthena.

At nakakatuwa na nandu’n pa si Jomari Yllana. Nakakatuwang pagmasdan sina Jom at Aiko at abot hanggang tenga ang ngiti ni Andrei, dahil kumpleto ang kanyang family sa school.

Kung natatandaan pa namin ang sey sa amin ni Aiko, “Kung me babalikan man ako sa ama ng mga anak ko, siguro, si Jomari ‘yon.”

‘Yun na!

I’m sure, gano’n din ang sagot ni Aiko kung kanino niya gustong makipag-”for old time’s sake.”

WAG N’YONG KAKALIMUTAN ang aming online teleradyo, just log on sa www.facebook.com/vibestayo tuwing 4pm, ha?  Makipagtsismisan sa amin at maki-chat na rin at pa-like ng aming fanpage, ha?

Basta may internet connection, pasok ka sa banga. Sundan n’yo rin po kami sa twitter (@ogiediaz).

Oh My G!
by Ogie Diaz

Previous articleDerek Ramsay, done deal na ang paglipat sa TV5?!
Next articlePinoy Parazzi Vol 5 Issue 6 December 14 – 15, 2011 Out Now!

No posts to display