Nitong Huwebes, January 5, kinumpirma ni Executive Secretary Salvador Medialdea ang paghirang ng Malacañang kay Mocha Uson sa Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) bilang bagong board member.
Agad namang kinumpirma ni MTRCB Chair Toto Villareal na natanggap na nila ang appointment paper ni Mocha.
Sa isang panayam, sinabi ni Mocha, Margaux Uson sa tunay na buhay, na inalok sa kanya at hindi niya hiningi ang naturang posisyon sa MTRCB, kaya sana, ‘wag magtaasan ng kilay ang bashers niya.
Si Mocha ay lead singer ng female group na Mocha Girls, actress, at isang blogger, at masugid na supporter ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon pa kay Mocha, ipagpapatuloy pa rin niya ang kanyang blog para sa pagpapakalat ng impormasyon at pagkuha sa pulso ng publiko kaugnay sa mga gagawing pagbabago sa telebisyon.
Kabilang umano sa kanyang mga planong gawin bilang miyembro ng MTRCB ay alisin ang kalaswaan sa mga programa sa telebisyon.
Aniya, “Mas interesado ako rito sa telebisyon na magkaroon ng pagbabago sa mga programa, na mawala na ang soft porn at kalaswaan.”
Dugtong pa niya, “Napagdaanan ko ‘yon, na-experience ko ‘yon at nagbago na nga ako,”
Sa ngayon, hindi pa raw niya alam kung magkakasuweldo siya sa MTRCB, pero nangako siyang ido-donate ito sa Duterte’s Kitchen o sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) center.
‘Yun nah!
Sa True Lang
by Throy Catan