Kapuna-puna na sa unang araw ng filmfest noong Sunday, tila hindi nagkainteres ang publiko na manood ng mga pelikula kumpara last year na matapos mamasko sa umaga ng mga bata, makikita mo kung gaano karami ng tao at puno ang theater lobby. Kumbaga, SRO sa dami at super haba ng pila para makakuha ng tiket. Lahat halos ng pelikula ay sabay-sabay kumikita.
Sa Gateway Mall, nag-check kami last Sunday, top 3 sa kanilang listahan noong 1st day of showing ang “Die Beautiful”, “Seklusyon”, at “Vince&Kath&James”.
‘Di ba may hinirang ang 2016 Metro Manila Film Festival na “ambassador”? Ano ang ginagawa ni Mocha Uson as “The Ambassadress of 2016 MMFF” para makahikayat? Waley.
Pinatunayan na wala pala siyang totoong followers para makumbinsi na manood at suportahan ang filmfest. Hindi totoo na influencer siya. Para lang siya lata na walang laman na maingay lang sa dalawang sentimo sa loob ng lata na kapag kinalog mo ay maingay lang pakingan at maiirita ka lang.
Sana kung si Anne Curtis o si Vice Ganda na lang ang pinakiusapan nila (2016 MMFF Committee) na tumulong na mag-social media blast at mag-promote, malaki pa ang magagawa ng dalawa para maging successful ang MMFF sa kabila ng mga isyu na nababalot sa pagbabago at “change” na gusto ng pamunuan sa taong ito. Ang dalawa (Anne and Vice), milyones ang supporters and followers kumpara du’n sa nagmamarunong.
Kawawa ang mga indie film. Nilalangaw sila. ‘Yan ang realidad. Ang Pasko ay para sa mga pelikulang masasaya. Ang MMFF ay para sa movies na mag-e-entertain sa publiko. Ang panonood ng pelikula tuwing MMFF ay hindi idinidikta sa publiko kung ano ang dapat nilang panoorin at kung ano ang quality films.
Pera nila ‘yun at pinaghirapan nila para may pambayad sa sinehan sa kung ano ang gustong panoorin ng mga anak nila. Yes, ito ang katotohanan. Ito ang realidad na dapat tanggapin ng mga nagmamagaling.
Sa totoo lang, hindi pa ba nagsasawa ang mga indie film producer at director sa sampu-samperang film festivals para sa mga pelikula nila? ‘Andyan ang Cinemalaya, Cinema One Originals, QC Film Festival, Sinag Pilipinas, at kung anu-ano pang film festivals para sa sarili nilang captured market. Ang dami.
Hari nawa’y next year, bumalik ang saya at sigla na ang mga bata ay magkukumahog at magyaya sa mga nanay at tatay nila sa malls para manood ng sine agad-agad.
Sa panahon na halos araw-araw ay may nababaril dahil sa war on drugs ng reheming Duterte, sa patuloy na pagbaba na piso laban sa dolyar, at sa pag-aakala ko ay maiaahon ni Duterte ang bayan sa pagkasasadlak sa kahirapan, korapsyon, at krimen, hayaan na natin na ma-entertain ang publiko. Personally, kaya ako nanonood ng sine ay dahil gusto kong mawala ang stress na ang katotohan at realidad ay araw-araw ko nang nababasa sa dyaryo, napakikinggan sa radyo at napanonood sa telebisyon. Nagsasawa na ako. Tigilan na ang ilusyon!
Pero based sa official Facebook account ng MMFF, ang mga top grosser sa unang araw ng festival ay ang sumusunod: “Ang Babae Sa Septic Tank 2”, “Die Beautiful”, “Seklusyon”, at “Vince&Kath&James”.
Bukas, Thursday, December 29 ,ang awards night ng MMFF sa KIA Theater. Kung sino man ang mahirang na Best Picture, malamang hindi lang doble kundi triple pa ang magiging box-office result nito, dahil ang mga Pinoy, susugod ‘yan sa mga sinehan para panoorin last minute para makipagsabayan sa agos.
Reyted K
By RK VillaCorta