TATLO SA sampung pulis-Los Baños na sinibak sa puwesto ng Police Provincial Office ng Laguna kamakailan ay ang mga pulis na ikinanta ni Tyrone Kennedy Terbio sa akin nang sumuko siya sa TV5 bi-lang mga padrino niya sa mga nakawan sa Los Baños.
Si Terbio ay isa sa mga suspect sa robbery at homicide ng biktimang UP Los Baños student na si Ray Peñaranda. Nang gabing sumuko sa akin si Terbio, agad niyang inamin na sangkot siya sa ilang mga nakawan sa Los Baños at ang mga pulis na sina SPO1 Allen Ignacio, PO2 Michael Palanca at PO1 Aristeo Nono ay ang kanyang mga handler daw. Ang tatlong pulis na ito raw ang siyang tumatayong mga godfather niya at ng ilan pa niyang mga kasamahang magnanakaw sa buong Los Baños.
Matapos kong matanggap ang impormasyon mula kay Terbio, agad ko itong ipinagbigay-alam kay PNP Chief General Nicanor Bartolome. Tulad ng kanyang ipinangako, pinasibak agad ni Bartolome sa puwesto ang tatlong nabanggit na mga pulis. Sa kasalukuyan, sila ngayon ay nasa Regional Police Holding Area Unit ng Region 4-A PNP habang iniimbistigahan.
Ang pito pang mga pulis na kasama sa mga nasibak at pinaiimbistigahan din ay sina Police Inspector Sando Ortega, PO2 Roberto Lapitan, PO1 Reynaldo Tamayo, PO1 Kennedy Piamonte, PO1 Al Raymond Gemiliano, PO1 John Dela Torre at PO1 Joseph Ortega.
Ang modus operandi ng grupo ni Terbio ay ang magbenta ng mga nakaw na gamit sa mga subject ni-lang matatakutin at may kakayahang sumuka ng pera. Sa oras na binili ng subject ang gamit na ibinebenta nina Terbio, agad pupuntahan ito ng mga handler ni-lang pulis at tatakuting kukulungin dahil sa paglabag sa anti-fencing law – ang batas kontra sa pagbibili ng mga nakaw na bagay. Kesa makulong, papayag na lang ang kanilang subject na sumuka ng pera.
PERO MAS garapal ang modus operandi ng ilang mga tiwaling pulis ng Station Anti-Drugs dito sa Metro Manila. Kapag may natukoy na silang subject, pupuntahan ito ng kanilang tirador o asset. Makikipag-usap ang asset sa subject at saka aalis.
Pagkalipas ng ilang minuto, magsisidatingan na ang mga handler ng nasabing asset – siyempre, kasama rin ang asset – at aarestuhin ang subject. Sa ilang pagkakataon, sa loob pa mismo ng kanyang bahay aarestuhin ang subject kahit na walang dalang search warrant o warrant of arrest ang mga pulis.
Bitbit ang isang sachet ng Shabu, sasabihin ng mga pulis sa kanilang subject na iyon ay nabili sa kanya ng kanilang asset kani-kanina lang. Sasamantalahin na ng grupo na kamkamin ang mga pera ng subject at kung nasa loob ng bahay, magkakalkal sila at sasamsamin ang mga mahalagang gamit na makikita nila sa bahay na iyon.
Pagkatapos noon, dadalhin nila ang kanilang subject sa presinto para pasukahin ng pera. Kapag sumuka na ng pera ang subject, saka nila ito pakakawalan. Pero bago pakawalan, papipirmahin nila sa isang kapirasong papel ang subject na nagsasaad na wala silang ginawang masama sa kanya at inimbitahan lamang siya sa presinto for verification tungkol sa isang kaso.
Shooting Range
Raffy Tulfo