Modyul ng NHIP, ituturo na sa Midwifery at Nursing Courses

NITONG NAKARAANG Martes, isang mahalagang kaganapan ang ating nasaksihan sa Lungsod ng Koronadal. Pormal nang tinanggap ng Sultan Kudarat Educational Institution ang aralin o modyul tungkol sa National Health Insurance Program (NHIP) upang isama sa kanilang kurikulum para sa mga estudyante ng Midwifery at Nursing.

Ang hakbang na ito ay aming isinagawa upang masimulan ang paghubog sa kaalaman ng mga mag-aaral ng SKEI tungkol sa kahalagahan ng NHIP, lalo na sa papel na ginagampanan nito sa larangan ng kalusugan. Layunin ng modyul na ito na maituro sa mga mag-aaral ng Midwifery at Nursing ang mandato ng PhilHealth, ang mga pakete ng benepisyong maaaring makamit ng miyembro, at kung paano sila makatutulong sa pagpapalaganap ng kaalaman tungkol sa NHIP bilang mga alagad ng kalusugan.

Isang kasunduan ang pormal na nilagdaan ng aming Pangulo at Punong Tagapagpatupad, Alexander A. Padilla at ni SKEI School Administrator, Dr. Dante Eugenio para sa magandang pakikipagtulungang ito. Ang NHIP module ay isasama sa Primary Health Care 1 at 2 na mga aralin para sa Midwifery Course at sa Community Health Nursing subject naman sa ilalim ng Nursing Course para sa mga mag-aaral sa second year.

Ang SKEI ay isa sa mga unang paaralan sa Sultan Kudarat na nagbukas ng mga kursong pang-Midwifery at Nursing. Patuloy na dumarami ang mga mag-aaral sa nasabing institusyon na kumukuha ng mga kursong ito. Magandang balita ito para sa amin dahil ibig sabihin nitoy patuloy rin ang pagdami ng mga makatutuwang namin sa pagpapalaganap ng mga bagong benepisyo at serbisyo ng PhilHealth.

Nabanggit ni Pangulong Padilla sa kanyang mensahe na hangad ng PhilHealth sa mga mag-aaral ng Midwifery ng SKEI na matutunan nilang palagiang iangat ang panukatan at kalidad ng serbisyong kanilang gagampanan sa bawat miyembro ng PhilHealth na manganganak sa mga pasilidad-pangkalusugan. Nais din niyang makatulong ang mga mag-aaral ng Nursing sa pagpapaliwanag sa kahalagahan ng pagiging miyembro ng PhilHealth, lalo na sa mga komunidad na kanilang pagsisilbihan.

Ang inisyatibong ito ay pinangunahan ng aming Social Health Insurance Academy sa pamumuno ni Senior Manager Leticia P. Portugal, sa pakikipagtulungan sa aming Region XII Office sa pamumuno naman ni Regional Vice President Dr. Miriam Grace Pamonag.

Para sa karagdagang tanong tungkol sa ating paksa ngayon, maaari po kayong tumawag sa aming Call Center sa (02) 441-7442, o magpadala ng email sa [email protected]. Maaari rin po kayong mag-post ng inyong komento sa aming social media accounts, www.facebook.com/PhilHealth o sa www.twitter.com/teamphilhealth.

Alagang PhilHealth

Dr. Israel Francis A. Pargas

Previous articleMatinding isyu na kinakaharap ng mga bagets
Next articlePosibleng makulong si PNoy pagkatapos ng kanyang termino

No posts to display