OLA CHIKKA! ANG dami kong baon dahil noong nakaraang Biyernes nang gabi, dumalo ako sa birthday celebration ng isa sa pinakamalalapit kong kaibigan na walang katulad dahil sa buhok pa lang ay tiyak na kilalang kilala n’yo na! Walang iba kundi itong si Jobert Sucaldito. Maligayang bati kapatid!
Ngunit hindi kasing ligaya ng aking pagbati itong unang balitang ihahatid ko sa inyo, bhuket?! Dahil kararating ko pa lang, akala ko naligaw na ako. Ang pagkakaalam ko ay nasa restaurant kami hindi sa palengke!
Paano ba naman… itong si Mommy Carol Santos ay walang pasintabi na akala mo kung sino nang tawagin ako. Ang dami-daming tao at wala man lang siyang pakialam kung sino man ang makakita ng pinaggagagawa niya.
Kakatapos ko lang kasing batiin ang celebrator nang may isang matandang babaeng nanlilisik ang mga mata at nagsisisigaw ng “Hoy! Hoy! Hoy!” na akala mo ay hindi ako kilala. Ano ba namang tawagin ako sa pangalan ko, ‘di ba? Daig pa ang palengkera kung umasta! Mabuti pa itong si Annabelle Rama, dahil awayin ka man niya kahit wala sa lugar, at least sa pangalan ka niya tatawagin.
At ayun nga, direkta akong tinanong nitong si Mommy Carol na bakit ko daw inaaway ang anak niyang si Judai tungkol doon sa isyung ibinayad sa kanya ng isang presidentiable. Siyempre ipinagtanggol ko ang sarili ko at sinabing, “Hindi mo ba ko natatandaan? Malamang kilala mo ako dahil noong minsang nag-birthday ako ay siningil mo ko ng sobrang laki, ‘di ba? At para sa kaalaman mo, hindi ko inaaway ‘yang anak mo. Dapat nga ay magpasalamat ka pa sa akin dahil nalaman mo ang katotohanang itinago sa inyo ng manager niyang anak mo.” Tsaka ko inalisan.
‘Di ba ang tanda-tanda na niya, hindi man lang marunong gumalang? Ano man lang na ipatawag ako o lapitan ako pagkaupo ko? Wala eh, pagkaapak na pagkaapak ko sa restaurant, nagsisisigaw na! Eh, hindi na naman kasing-sikat tulad ng dati itong anak niya para magmaganda silang mag-ina, eh!
TIGILAN NA NGA natin ang kawalang-hiyaang kaganapan na ‘yun at dumako sa mas relevant na usapin. Nakikisimpatiya naman ako rito sa birthday celebrator na si Jobert dahil sa gabi mismo ng kaarawan niya ay isinugod siya sa St. Luke’s Medical Center.
Nu’ng gabing iyon ay dumating ang pinsan niyang may bitbit na aso. Siyempre ano bang malay nilang mangangagat ‘yun? Kaya pagbeso nitong si Jobert sa pinsan niya, ayun kinagat siya. Wala pa sana siyang balak pumunta ng ospital ngunit napansin ng ilang bisita niya na dumudugo ang kanyang baba kung saan siya nakagat.
Nagdagsaan na ang mga bisita ngunit wala ang celebrator at wala man lang naglakas-loob ibalita ang nangyari dahil wala pang go signal mula kay Jobert. Eh, pa’no magbibigay ng signal, nasa ospital nga, ‘di ba?
Kaya ayun, pag-akyat ko sa stage ay talagang sinabi kong nakagat siya ng aso at isinugod sa ospital at matapos nu’n ay umalis na din ako agad, lalo na at ayaw kong makita itong pagmumukha ni Mommy Carol. Ha-ha!
Nagpapasalamat naman ako sa mga bisitang hindi nagpaka-plastic at talaga namang napakabait tulad nitong si Ms. Malou Fagar na talagang hindi ako iniwan noong party. Hindi ako nagpapaka-plastic dito, ah! Talagang nagsasabi lamang ako ng totoo hindi tulad ng iba dyan na puro PRAISE release lang!
Kapag ayaw ko, ayaw ko talaga! At direkta kong sinasabi, kaya siguro ako napagkakamalang palaaway, eh. Excuse me pow! Nagpapakatotoo lang. Ha-ha!
AT MULA SA kaibuturan ng aking puso, masaya kong ibinabalita na kabubukas po lamang ng aming OLA CHIKKA PRODUCTIONS. For radio guestings, shows, advertisements at kung anu-ano pa, tanong at violent reactions ay maaari po kayong tumawag sa 417-6181 at 0927428 4216. At maaari n’yo pa rin po akong pakinggan sa DWBL at DZRH sa dati pa rin pong oras. Thank you very much and God bless us all!
Ooola Chika
E-mail: [email protected]
by Tita Swarding