AKSIDENTE ANG PINAKAKUMBINYENTENG katwiran sa nangyaring paglubog ng Super Ferry 9 lulan ang mahigit 20 katao na crew ng Star Cinema, isa roon si Fernando Estrada (isang cameraman) ang sinawimpalad. Maliwanag, walang may gusto sa nangyari, aksidente nga ang magiging paulit-ulit na argument sa trahedya.
From a philosophical point of view, however, in life there are no accidents. Simply put o payak na paliwanag, naiwasan sana ang kaganapang ‘yon. Bilang showbiz writer, I shall not dwell on the maritime aspect of the incident, let the authorities take charge.
Ang pagpunta ng Star Cinema crew sa GenSan ay para sa shoot ng pelikulang Ang Tanging Pamilya, the company’s Metro Manila filmfest hopeful entry this year. Kung bakit doon at hindi rito sa Maynila ay dahil sa iskedyul-cum-panata ni Mommy Dionesia Pacquiao na ever since, sa tuwing may laban ang kanyang anak na si Pacman ay hindi lumuluwas ng Maynila.
Anim na buwan pala bago ang pagsabak ni Manny sa laban ay itinakda na ni Mommy Dionesia ang manatili sa GenSan, iginugugol ang panahon sa pagrorosaryo. Dahil dito, kinailangang ang cast ng naturang pelikula ang siyang dumayo pa roon, bagay na palihim na pinalagan ng ilang mga artista sa cast.
Sina dating Pangulong Erap Estrada at Ai-Ai delas Alas ang mga pangunahing bida sa naturang pelikula, kapwa sila nagpaabot ng kanilang pakikiramay sa pamilyang naulila ni Fernando or “Kulot” to his co-workers.
Ramdam ko ang sinderidad sa pag-iyak ni Ai-Ai, nawalan nga naman ang mag-iina ng isang padre de familia na siyang bumubuhay rito.
VERY SADLY, ANG inaasahan kong pagko-condole din ni Mommy Dionesia sa namatayan ay hindi ko napanood. Sabihin na nating sa dagat na sakop ng Zamboanga del Norte naganap ang paglubog ng Super Ferry 9 (galing sa GenSan en route to Iloilo), sabihin na rin nating hindi si Mommy Dionesia ang kapitan ng barko (mag-ballroom ba sa laot?), bakit ba napadpad sa GenSan ang crew ng Star Cinema, hindi ba’t bilang pagsunod sa kanyang kapritso?
Tanggap ko na ang kawalan ng mensahe ng pakikiramay mula sa ina ni Pacman, pero ang ipinakita ng ABS-CBN na masaya ito sa naging working relationship with her co-cast members…..SUPER MERRY sa kabila ng trahedya ng SUPER FERRY!
Nangako na ang pamunuan ng Aboitiz ng kaukulang tulong-pinansiyal sa mga biktima ng Super Ferry 9 tragedy, maging ang Star Cinema ay handang sumuporta sa kanilang tauhan. Mandatory ito, as in dapat lang.
For sure, maging sina Erap at Ai Ai ay nag-ambag na rin kahit hindi ito idinidikta ng kanilang partisipasyon sa pelikula. Si Mommy Dionesia kaya, may itutulong din? Huwag na on her own, iharbat na lang niya iyon kay Manny.
Show them the money!
Pepperoni
by Ronnie Carrasco III