ISANG MAMAHALING ROLEX watch at isang Louis Vuitton ang iniregalo ni Manny Pacquiao sa kanyang dakilang inang si Nanay Dionesia nu’ng nakaraang kaarawan nito.
Isang malaking party ang ginanap sa GenSan. Ipinaimbita ni Pacman kay Nanay Dionesia ang lahat ng gusto nitong makasama sa gabing ‘yun. Katuwiran ng Pambansang Kamao, gabi ‘yun ng kanyang ina at hindi kanya.
May kasutilan ang mga kaibigan ni Nanay Dionesia. Ipinai-spell ng mga ito sa kanya ang Louis Vuitton na kung bigkasin niya ay Lowi Betton, kaya ang sagot naman ng nanay ni Manny, “Huwag na ang ispeling, basta, mamahalin ‘yung bag na regalo ng anak ko!”
Ganu’n ka-game ang ina ni Manny. May sarili itong karakter. Meron na ngang mga ahensiyang kumukuha sa kanilang mag-ina ngayon para gumawa ng patalastas.
Meron na silang malapit i-shoot ni Manny, isang brand ‘yun ng detergent, pasado na ang story board ng gagawin nilang TVC at kaluwagan na lang ng oras ng Pambansang Kamao ang hinihintay ng kumpanya para simulan na ang shoot ng patalastas.
Ang mga positibong katangian ni Nanay Dionesia ay namana ni Pacman. Una, ang pagiging madasalin. Naniniwala si Nanay Dionesia na lahat ng pagsubok na dumaan sa kanilang buhay noon ay nalampasan nila dahil sa tulong ng Panginoon.
Ikalawa, ang kababaan ng kalooban at pagiging mapagkumbaba. Sa kabila ng katanyagan at kayamanan ngayon ng kanyang anak, nananatiling humble si Nanay Dionesia, hindi ito tumalikod sa mahihirap nitong kaibigan, buong-buo pa rin sila hanggang ngayon.
Sabi ni Pacman, “Naalala ko pa nu’ng mga bata kami, alas-sais nang gabi, kailangang nasa bahay na kaming magkakapatid. May Angelus kami sa bahay, sama-sama kaming nagdarasal. Ako ang nagli-lead sa dasal,” sabi ng kampeong boksingero.
Mula noon hanggang ngayon, parang aninong kakambal ni Manny ang pagiging madasalin. ‘Yun ang unang-una niyang ginagawa bago magsimula ang kanyang laban, makikita siyang nakaluhod at nananalangin sa isang sulok ng ring.
NU’NG DUMATING SA Los Angeles si Nanay Dionesia, meron siyang mga dala-dalang imahen. Pagdating niya, inayos niya agad ang altar kung saan niya ilalagay ang mga imahen, nagdasal siya agad, bilang pasasalamat sa isang mapayapang biyeha mula sa Pilipinas hanggang sa Amerika.
Nu’ng magpunta naman sila sa Las Vegas, ilang araw bago dumating ang mismong salpukan nina Manny at Ricky Hatton, humanap agad ng lugar sa kanyang hotel room si Nanay Dionesia para mapaglagyan ng kanyang mga imahen.
Hindi siya nanood ng laban, nasa hotel lang siya, puro pagdarasal lang ang kanyang ginawa. Dasal pa rin ang ginawa ni Nanay Dionesia nang makarating na sa kanya ang balitang napatumba ni Pacman si Hatton.
“Hindi tayo nagdarasal lang para sa panghihingi, nagdarasal din tayo para sa pagpapasalamat,” madalas sabihin ng dakilang ina ni Pacman.
May mga sariling fans na rin si Nanay Dionesia, kuwento sa amin ni Jayke Joson na malapit na malapit kay Pacman, “Kahit saan kami magpunta, pinagkakaguluhan si Mommy Dionesia, sikat na sikat na rin siya ngayon,” nakangiting kuwento ni Jayke.
Karakter talaga ang ina ni Manny Pacquiao, may sarili siyang hukbo ng mga tagahanga. At tunay namang kahanga-hanga ang magagandang values na itinuro niya sa kanyang mga anak bilang ama at ina ng mga ito sa kanilang paglaki.
“Champion boxer si Manny, pero kapag nagtaas na ako ng boses, alam na niya ‘yun, galit na ako. Pero kahit noon, mabait talaga ang anak kong ‘yun, hindi siya mayabang, malapit siya sa Panginoon,” kuwento ni Nanay Dionesia.
Cristy Per Minute
by Cristy Fermin