EWAN KUNG papaano napadpad sa aming maliit at tahimik na barangay si Momoy. Dekada ‘60. Balita’y stow-away siya buhat Samar, 47 edad, at binata. Umupa siya ng maliit na silid sa bahay ng aming barangay captain. Nagtayo ng isang munting shop na nagkukumpuni ng kung anu-ano, mula sirang plantsa at ‘di magsinding cigarette lighter.
Walang nakaaalam ng apelyido. O kahit katiting na bagay sa kanyang nakalipas. Laging nakasuot ng maong at puting T-shirt. Bihirang ngumiti ngunit may kabaitan na nagmumula sa puso.
Ang Mamay Cito ay naging matalik niyang kaibigan. Halos tuwing umaga, nagkakape sila sa bahay at ‘pag walang masyadong tanggap na trabaho, sila ay na-ngingisda sa malapit na ilog. Malusog pa ang kalikasan noon. Ang pinangingisdang ilog ay malinaw ang tubig na puwedeng inumin. Maliliit na isda kagaya ng bukli at ‘pag minsan carpa ay sagana. Ang native shell na tawag ay bituo ay sagana rin.
Kaiba ang panahong ‘yon. Tahimik, simple ang pahumuhay. Limang pisong pamalengke ay labis-labis para kakainin sa loob ng isang linggo. Radyo ang liba-ngan ng mga tao ‘pag gabi at baseball ang paboritong laro ng mga kabataan ‘pag tag-araw.
‘Pag Linggo, halos lahat ng taga-barangay ay nasa simbahan. ‘Pag may binyag o kumpil ang isang kapit-bahay, okasyon ito ng buong barangay. Mayo ang pinakamasayang buwan ng Santacruzan. Buhos ang debosyon at pagdiriwang ng halos isang buwan.
Sa okasyong ito, namayani ang kagalingan ni Momoy sa paggawa at pag-design ng kung anu-anong uri ng arko at parol. Dahilan ito upang dagsa – sa tinatawag na patapos – ang mga manonood sa ibang barangay para malasin ang mga naggagandahang arko at parol.
Ang Mayo ay naging Hunyo at ang Hunyo ay naging Agosto. Lumakad, tumakbo nang mabilis ang panahon habang ang aking mundo ay umikot sa aming munting barangay. ‘Di naglaon, nagpaalam na rin ang Mamay Cito. Panahon na upang ako’y lumipat sa bayan para mag-aral sa high school. Santacruzan ay masayang okasyon pa rin ‘pag Mayo. ‘Yon lang, wala nang kakaibang nagniningning na arko at sumasayaw na parol. Isang umaga, nagpaalam para pumunta sa ‘di alam na lugar si Momoy. Dala ng dalamhati ng pagpanaw ni Mamay Cito. At ang gintong alaala ng halos limang taong pamamalagi niya sa barangay.
Sa lukut-lukot na diary na aking pagkabata may pahina para kay Momoy.
SAMUT-SAMOT
MARAMI SA atin ang takbo nang takbo sa buhay. Parang hinahabol lagi ang segundo, minuto at oras ng walang kapaguran. Sabi nila, mailap ang kaligayahan. ‘Di nakakamit sa pagtakbo, sa paghahabol ng salapi, karangalan at kapangyarihan. ‘Di hamak na totoo ito. Sapagkat tayo’y walang kabusugan. Isang 89-anyos na Chinoy bilyonaryo ang minsan tinanong: ano pa’ng gusto mo sa buhay? Sagot: lumago pa aking mga bilyon.
Nakahahabag na nilalang. Bilanggo ng kasakiman.
MAY ISANG parable sa Banal na Aklat. Isang napakayamang negosyante ng bigas na umani muli ng limpak-limpak na ani. Problema, ‘di niya malaman kung saan pang bodega ilalagay niya ang mga ito. Namumrublema siya. Ngunit ‘di niya alam nu’ng gabing ‘yon, nakatakda na ang nakatakda sa kanya. Kinuha ang kanyang kaluluwa at pina-account ang naging buhay niya. Puro pansarili. Sa naglilingas na apoy siya itinaboy.
LIVE AND give. Wastong panuntunan sa buhay. Isang rason sa laganap na kahirapan ay pagkaganid ng maraming tao sa kayamanan. Ayaw magbigay. Ayaw tumulong. Ayaw magmalasakit.
SA FORBES list, 32 Pilipinong bilyonaryo ang nailista. Nangunguna si SM tycoon Henry Sy na may ka-yamanang $9.6-B. At ito’y lumolobo pa. Kahit ‘sang libong beses siyang mamatay at mabuhay, ‘di niya mauubos ang kayamanang ito. Ganyan din ang mga bagong bilyonaryo katulad nina Manny Pacquiao at Ricky Razon. Subalit ‘di sila dapat kainggitan. Sa araw ng paghuhukom, tatanungin sila ng Diyos kung ano’ng ginawa nila sa kanilang kayamanan. May maisasagot kaya sila?
NAPALATHALA NA isang 40-anyos na commercial pilot ang nasakote kamakailan ng PDEA dahil sa pagbebenta ng Shabu. Karaniwan niyang parokyano ay mga piloto at foreign tourists. Ang suspect ay si Rioblyn Toledo, taga-Parañaque. Salamat at nagtatrabaho ang ahensiya. Drug-trafficking ay laganap sa buong kapuluan. Kalimitang sangkot ang ilang kasapi ng kapulisan. Sa isang TV interview, inamin ni dating character actor John Regala na siya ang dating supplier ng Shabu ng mga artista. Ngunit kailangan ng PDEA ang malaking budget at resources sa kanilang mandato. Kailangan din ang cooperation ng publiko.
SANG-AYON KAMI sa balak ng Q.C. government na maglunsad ng kanilang film festival kagaya ng Maynila. Isang commission ang binuo para rito. Ang pakay ng proyekto ay mag-harness ng mga bago at batang cinematic talents.
PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez