NAGKAPANUNTUKAN ANG journalist na si Mon Tulfo at ang aktor na si Raymart Santiago kahapon sa arrival area ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.
Ayon sa isang eyewitness account, pilit na kinukuha ni Raymart ang cellphone ni Tulfo, kung kaya’t tinulak na ng mamamahayag ang aktor at siyang dating umano ng mga ka-tropa ni Raymart na pawang mga sports-buff umano.
Sa kuwento ng aming source, galit na galit na sinugod umano ni Raymart si Tulfo nang makitang kinukuhanan ng video ni Tulfo ang asawang si Claudine Barretto habang pinapagalitan ng aktres ang isang flight attendant.
Galing Davao sakay ng Cebu Pacific, at palabas na raw ng arrival area nang mapansin si Claudine na pinapagalitan ang isang ground ste-wardess ng Cebu Paficic, na noong una’y hindi namukhaan ng mamamahayag. Napag-alaman naming galing naman sa Boracay ang grupo ng mag-asawang Raymart at Claudine.
“Noong una, sympathetic pa si Mon sa babae (Claudine), dahil nga an’dami nang insidente ng pagiging inefficient ng Cebu Pacific pagdating sa mga cargo ng mga pasahero,” sabi ng aming source.
“Pero noong minumura-mura na niya (Claudine) ‘yung staff na mangiyak-ngiyak na at ipatatanggal pa raw sa trabaho, doon na nilabas ni Mon ‘yung kanyang cellphone para kunan ang nangyayari. Gusto lang naman ni Mon na matigil ang ginagawa du’n sa kawawang staff,” paliwanag pa ng source.
At ‘yun na nga, biglang lumapit na nga si Raymart kay Tulfo at pilit na inaagaw ang cellphone niya.
Sa interview naman kay Tulfo sa DZMM, sinabi nito na, “Noong nilagay ko ang cellphone ko sa vest ko… nakita nung si Raymart Santiago. Pilit niyang kinukuha ang cellphone ko. Sabi niya, ‘Bakit ka kumukuha?’ Magpapakilala sana ako kaya lang nung pilit na niyang kinukuha ang cellphone ko, tinulak ko siya sabi ko wala kang karapatan na kunin ang cellphone ko. Doon nag-umpisa ang kaguluhan.”
May pasa sa hita si Claudine na ayon sa interview sa kanya sa TV, dulot iyon ng sipa ni Tulfo.
Dagdag naman ng aming source, naunang sumuntok si Raymart matapos na maitulak ni Tulfo dahil nga sa pilit na pagkuha ng aktor sa cellphone ng mamamahayag. At nang kuyugin na ito ng grupo ni Raymart, gumanti na ang mamamahayag.
“An’dami nila, mga malalaki ang katawan na mga bata pa… nag-iisa lang si Mon na may katandaan na rin, para naman pagtulungan nila,” sabi pa ng aming source.
Sabi naman ni Tulfo sa interview sa radio, “Habang sinasangga ko ang mga suntok nila dahil marami sila, minumura pa ako. Ako na ang binalingan ni Claudine Barretto ng galit niya. Minumura-mura na ako. Tinamaan ako, eh. Noong tinamaan ako sa may mata, nagdilim na ang paningin ko.”
Matapos maawat ang gulo, nagtungo ang magkabilang panig sa Investigation and Intelligence Division ng Airport Police Station para sa kanilang mga statement at complaint.
Samantala, kinondena naman ng magkaka-patid na Tulfo ang ginawa ni Raymart at ng mga kasama nito sa nakatatanda nilang kapatid.
Matatandaang si Raymart ay isang taekwondo expert.
Danny’s Law
by Danilo Jaime Flores