NGAYONG PAPALAPIT na ang bakasyon, ang mga bagets diyan paniguradong nangangarap ng beach body. Kaya, kanya-kanyang research na sila sa Google ng mga epektib na epektib na diet plans. At kamakailan lang, naging viral sa Internet ang Morning Banana Diet mula sa Japan. Ano nga ba ito?
Ang Morning Banana Diet ay isang weightloss program na nagsimula sa Japan noong taong 2008 na naging sanhi pa ng pagkakaroon ng shortage ng saging sa nasabing bansa dahil sa lakas ng demand sa saging. ‘Yung tipong, hindi na talaga napantayan ng supply ng saging ang demand para rito. Inimbento ng isang Osaka pharmacist na si Sumiko Watanabe. Ginawa niya ito para sa kanyang asawa na nakapagbawas ng 37 pounds o 16.8 kilos na timbang matapos sundin ang Morning Banana Diet.
Sumikat ito nang sinulat ng kanyang asawa ang Morning Banana Diet sa Mixi, isang malaking social networking services sa Japan. Alam n’yo bang humigit-kumulang 730,000 na Morning Banana diet books ang naibenta sa Japan.
Paano nga ba gawin ito?
- Kumain ng saging bilang iyong almusal. Puwede kang mag-take ng 2, 3, o hanggang 4 pa kung gusto mo. Pero kung apat na saging ang kakainin, mo dapat ‘yung maliliit lang na saging. Pero huwag ka namang masyadong pakabusog sa saging, ‘yung tipong hindi na maganda sa pakiramdam. Paalala rin, sariwang saging, hindi luto at hindi frozen na saging ang kainin. Isabay mo rin ang pagkain ng saging sa pag-inom ng gatas.
- Sa lunch at dinner, kumain lamang ng normal. Wala namang ipinagbabawal maliban sa matatamis bilang dessert at fried dishes. Kumain ng healthy meals. Mas mainam kung sa dinner, kumain ka na bago pa mag-8:00 PM. Mas mainam nga kung bago pa lang mag-6:00 PM, naghapunan na kayo.
- Tubig lamang ang namumukod tanging inumin na pupuwede mong inumin sa kasagsagan ng Morning Banana Diet plan. Kaya kalimutan mo na muna ang mga softdrinks, juices, shakes, at kape. Magpaalam muna sa kanila. Sa bagay, masasanay rin naman kayo kaya simulan na ngayon pa lang.
- Puwedeng-puwede ka namang kumain ng merienda o ‘yung mga in between snacks na tinatawag. Pero dapat hindi na lalagpas nang 3 ng hapon. Mas mainam kung sariwang prutas ang ugaliing maging merienda, pero huwag namang sanayin ang sarili na kapag hindi nabusog sa hapunan, kakain pa ng prutas. Naku, baka mauwi ka pa niyan sa midnight snacks.
- Kailangang pagsapit ng 12 ng hating-gabi tulog ka na. Mas mainam pa nga kung maaga-aga pa sa 12 midnight ang oras ng pagtulog mo. Kailangang may apat na oras na pagitan ang huling pagkain sa pagtulog mo kaya sinasabi na hindi na lalagpas ng 8:00 ng gabi ang pagkain mo ng hapunan.
- Mas mainam kung sasamahan mo ng ehersisyo ang Morning Banana Diet Plan na ito, pero hindi ka naman pinipilit mag-ehersisyo. Kahit ‘yung paglakad-lakad lang, puwede na iyon. Basta isipin kung mag-eehersisyo ka, dapat hindi ito nagdudulot ng stress sa iyo.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo