tNALAGAY SA ALANGANING sitwasyon si Zanjoe Marudo sa ipinatawag na grand presscon para sa pelikulang “Cinco” ng Star Cinema. Bago kasi ang question and answer portion, ay naipaliwanag at naipagbawal na ang mga tipo ng isyu, at tipo ng tanong na bawal ibato ng mga reporter sa mga artistang bida ng pelikula, lalo na nga’t kung ang itatanong ay walang kinalaman sa pelikula. Kasama rin sa pelikula si Mariel Rodriguez. May isang reporter na nagtanong tungkol sa good at bad karma. Baka late nang dumating sa presscon ang nasabing reporter, kaya nakawiwindang ang tanong niya kay Mariel, kung ang isa raw bang lalaking salawahan ay makakarma rin?
Kahit pa hindi si Zanjoe ang tinutukoy, naging napakahirap para sa kanya ang nadidinig niyang tanungan at pagsagot naman ni Mariel. Kasi nga, mayroon silang isyu, na nag-break na nga sila, at ang masakit pa sa nangyari, si Zanjoe raw ang nakipag-break. Habang sumasagot si Mariel sa tanong tungkol sa bad karma ng isang lalaking salawahan, kitang-kita ko ang reaksiyon ng matangkad na aktor, dahil malapit lang naman sa kanya ang kinauupuan ko, at natameme talaga siya na halos mamutla, dahil hindi siya kumportable sa daloy ng usapan.
Mahirap na talagang um-attend ngayon sa presscon. Parang laging mayroong pulis na nagbabawal kung ano ang dapat itanong. Hindi na pupuwede ngayon, na kapag pupunta ka sa presscon ay suwerteng makukuha mo ang sagot ng mga artista sa bawat isyu tungkol sa kanila. Inimbita ka lang naman, kaya bilang reporter, minsan ay mananahimik ka na lang din at susunod sa mga patakaran ng nagpatawag ng presscon. Respetuhan lang naman ‘yan.
KATULAD NA LAMANG noong panahon ng kampanyahan para sa mga kandidato. Nagpatawag ang Regal Films ng get-together party para kay Senator Lito Lapid na siyempre pa, ang venue ay ginanap sa Imperial Palace ni Mother Lily Monteverde, d’yan sa corner ng Tomas Morato at Timog Avenue. Maraming press na inimbitahan, kaya siyempre’y masaya ang mga tsikahan. Ang isa sa kaabang-abang para sa aming lahat ay ang pagpapa-raffle ni Mother para sa mga dumalong press.
Pagkatapos ng presscon para kay Senator Lito, nagpa-raffle na nga. Ang bumubunot ng mga pangalan ng press na mananalo ay si Mother Lily. Kaya lang, marami ang nagulat sa kadramahang ginawa ni Mrs. Monteverde. ‘Yung tipo bang hindi na niya inisip na sikat at iginagalang siya sa buong showbiz, kaya naman laging nakamasid sa kanya ang mga tao sa kanyang paligid. Kaya nu’ng bumubunot na siya ng mga pangalan ay sa kanya nakamata ang mga nag-aabang kung mananalo sila.
Iba ang nakita ng mga press people: Itinatapon ni Mother Lily ang pangalan ng nabubunot na reporter, kung hindi niya kilala. Tama ba naman ‘yon? Ang binabanggit lang niya sa mikropono ay ang pangalan ng kilala niyang reporter, at sasabihin niyang iyon ang panalo. Maraming nakakita ng kanyang ginawa, kaya nanlumo na lang ang mga press na nakakita sa pangyayaring iyon. Ang katuwiran na lang ng mga dumalong manunulat, may magagawa ba kami? Ang bumubunot para sa pa-raffle ay siya rin ang nag-imbita, at ang venue ay kanya ring pag-aari. Lahat ay kanya du’n sa aming pinuntahan. Hay, look na lang ako sa sky, at ang aking self-balloon: “Ganu’n pala si Mother magpa-raffle?”
ChorBA!
by Melchor Bautista