HINDI NA yata talaga aabot ang pagsasabatas ng Bangsamoro Basic Law (BBL) sa termino ni PNoy dahil sa simpleng pag-amin pa lamang ng tunay na pangalan ni Moro Islamic Liberation Front (MILF) Chief Negotiator Mohagher Iqbal, ay hindi na makausad ang Senado. Ano nga ba ang problema at maaaring panganib para sa MILF ng pag-amin ni Iqbal ng kanyang tunay na pangalan at pagkatao?
Ang mga negosyador naman ng gobyerno at Presidential Adviser on the Peace Process na si Teresita Deles at Peace Panel chairman Miriam Coronel-Ferrer, ay patuloy ang pagtatanggol kay Iqbal at interes ng MILF na ani mo’y mga abogado ng MILF. Nakatutulong ba talaga ang ganitong pagkiling ng mga negosyador na ito sa interes ng bansa? Talaga bang interes ng bansa ang kanilang inuuna at hindi ang interes lamang ng kanilang bosing na si Pangulong Aquino?
Ang mga kaalyado naman ni PNoy sa Senado ay nagte-tengang kawali sa isyu ng paglilihim ni Iqbal ng tunay niyang identidad. Hindi ba ito lumalabag sa ating Saligang Batas? Hindi ba nagiging barometro ang pagtanggi sa pagpapasailalim ng MILF sa ating Saligang Batas ang simpleng hindi pag-amin ni Iqbal sa kanyang tunay na pangalan? Mahalaga ba ito para sa pagsasabatas ng BBL?
Gaano kahalaga ang tunay na pangalan sa isang usapin pangkapayapan na matagal ng inaasam? Hindi ba tila may isang interes ang MILF na itinatago sa pamahalaan na may kinalaman sa paglalantad ni Iqbal ng kanyang tunay na pangalan? Hindi ba nakakabit ang tunay na pangalan at pagkatao sa kanyang tunay na pagkabansa? At kung hindi tunay na Pilipino si Iqbal, ano ang maaaring panganib dito para sa interes ng bansang Pilipinas?
NAKAPIPIKON NA talaga ang pag-aabogado nila Presidential Adviser on the Peace Process Teresita Deles at Peace Panel chairman Miriam Coronel-Ferrer para sa interes ni Iqbal at MILF. Iginigiit pa at tila nagpapalusot ang mga ito sa kanilang pangangatuwiran na may mga senador din naman daw na gumagamit ng alyas gaya nina Jinggoy Estrada at Ramon “Bong” Revilla, Jr. Binanggit din nila na maging ang dating pangulo na si Joseph “Erap” Estrada ay gumamit din ng alyas at naisama pa ito sa paglilimbag ng salapi noong panahon ng kanyang termino.
Pero tila yata hindi masyado nagbasa ng mga probisyon hinggil dito, sa ating Saligang Batas, ang dalawang negosyadora ng gobyerno. Nakasaad kasi na pinapayagan ang paggamit ng alyas sa larangan ng sining at arte. Alam nating lahat na malaki ang naging papel ng sining at arte sa pagiging sikat nina Joseph “Erap” Estrada, ang anak nito na si Jinggoy, at ang inaanak na si Bong Revilla, Jr. Ang ibig sabihin ay matapat nilang ginagamit ang mga alyas para sa sining at karakter nila sa MGA PELIKULANG KANILANG GINANAPAN. Hindi gaya ni Iqbal na sinadyang itago ang kanyang pagkatao para sa isang politikal na agenda.
Papaano maisusulong ng mga negosyador ng gobyerno ang interes ng ating pamahalaan kung sa simula pa lang ng usapan ay mayroon nang paglilihim at motibo sa paglilihim na ito? Alin pa kaya ang mga lihim ng MILF na hindi sinasabi sa ugnayang pangkapayapaang ito? Baka naman sa huli ay mabulaga na lang tayo na hindi na sa atin ang Bangsamoro at napabilang na ito sa isang Muslim na bansa gaya ng Malaysia? Baka bahagi ito ng mga lihim na hindi pa natin nalalaman?
KUNG SA simpleng pangalan lang ay hindi mapapayag ng gobyerno ang MILF na ilabas ang mga tunay na pagkatao ng mga pinuno nito, paano pa ang mas mabibigat na isyu at batas? Isang batas ang pagsasabi ng tunay na pangalan at pagkatao. Lalo at may kinalaman ito sa interes ng buong sambayanan, kailangang ipatupad ang “wisdom” o talino ng batas. Marami kasing mga kaakibat na responsibilidad ang pagsasabi ng tunay na pangalan at pagkatao. Malinaw ito sa ating Saligang Batas at hindi dapat ito suwayin ng kahit sinong indibiduwal o grupo.
Kahit pa sabihin ng mga kaalyado ng Pangulo na hindi malaking isyu ang tunay na pangalan ni Iqbal, sumasalamin ito sa tunay na intension ng pakikiisa ng MILF sa ating pamahalaan. At ang pakikiisang ito ay may direktang kinalaman sa pagsunod sa batas, malaki man ito o maliit na isyu lamang. Paano masisiguro ng mga senador natin na susunod ang MILF sa ating pamahalaan at Saligang Batas kung sa simpleng pagsasabi ng tunay na pangalan ay hindi sila nagpapasailalim sa ating Saligang Batas?
Ano ba ang panganib na sinasabi ng MILF sa simpleng pag-amin sa kanilang tunay na pagkatao? Mayroon ngang panganib dito at isa lang ang natitiyak kong panganib sa pag-amin na ito. Ito ay ang pagkakalantad sa tunay na pagkatao ni Iqbal at iba pang pinuno ng MILF. Ito ang maaaring pagkakalantad na hindi sila mga tunay na Pilipino.
Ang inyong lingkod ay napanonood sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am hanggang 12:00 nn.
Napakikinggan naman sa programang Wanted Sa Radyo ang inyong lingkod sa 92.3 FM
at sa lahat ng Radyo5 sa Visayas at Mindanao, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ito ay kasabay na napanonood din sa Aksyon TV Channel 41.
Panoorin ang inyong lingkod sa T3 Alliance sa TV5 tuwing Sabado, 4:30 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6833 para sa Wanted Sa Radyo. 0918-602-3888 para naman sa Aksyon sa Tanghali. At 0918- 983-8383 para naman sa T3.
Shooting Range
Raffy Tulfo