ANG ARAW ng Lunes ay alay sa mga taong hirap makalimot sa mga bagay-bagay at pangyayari na dapat nang iwanan kasama ng nakaraan. Move on Monday, ‘ika nga. Bakit nga ba hirap mag-move on ang mga tao? Lalo na ang mga kabataan?
Maraming dahilang gaya ng mga sumusunod: Una, maaaring dahil sa bata pa ang mga bagets, hindi pa sila gaano matured mag-isip o puwede rin na hindi pa sila umaabot sa antas ng emotional maturity, sabi nga ng mga psychologist.
Pangalawa, puwede ring masyadong masaya ang mga pangyayari kaya ganoon na lamang kahirap mag-move on. O ‘di kaya, para sa mga kabataan, masyadong mabilis ang mga kasiyahan na naganap kaya hinahanap-hanap nila ito. Pero dapat tanggapin natin na may kasabihan tayo na kapag tayo ay masaya, ‘di natin namamalayan ang bilis ng takbo ng oras.
Pangatlong rason kung bakit hirap mag-move on ang mga bagets ay dahil baka naman sobra silang nasaktan. Marahil masyadong masakit ang mga nangyari sa kanilang nakaraan kaya hirap na hirap talaga silang mag-adjust. Malamang, ang iba sa kanila ay hirap pa ring magpatawad. Puwede rin, ang iba ay nagsisisi pa rdin magpasa-hanggang ngayon.
Ngayong alam na natin ang mga rason kung bakit hirap mag-move on ang mga kabataan, sunod naman nating alamin kung anu-ano nga ba ang mga mahirap kalimutan at iwanan sa nakaraan.
Ang mga tao lalo na ang mga bagets ay may posibilidad na magtanim ng sama ng loob lalo na sa mga nakasamaan ng loob. Mahirap mag-move on ang mga bagets sa pangyayari na may nakaaway sila o nakasakit sa kanila. ‘Di ba nga, may kasabihan tayo na mahirap magpatawad? Ang nagpapalala pa ng sitwasyon ay kapag mahal nila sa buhay ang nakasakit sa kanila. Sabi nga nila, sa reyalidad nga naman ng buhay, kung sino pa ang mahal mo gaya ng pamilya, kaibigan o kasintahan, sila pa mismo ang sobrang makasasakit sa iyo. Kasi iba naman talaga ang sakit ‘pag sila ang sanhi. Pero mga bagets, kaya naman hindi tayo nakaka-move on sa mga panahon na ganyan ang mga kaganapan ay dahil may nakalimutan tayong gawin at iyon ay ang magpatawad. Kahit sabihin mo pang maraming taon na ang lumipas, pero kung hindi pa rin tayo nagpapatawad, hinding-hindi tayo makaka-move on sa masakit na nakaraan.
Nahihirapan ding mag-move on ang mga kabataan ngayon sa mga pangyayari na nagdulot ng sobrang kasiyahan sa kanilang buhay. Ang posible kasing mangyari n’yan, ang pagkumpara ng masasayang pangyayari noong nakaraan sa mga natatamasa mo ngayong pangkasulukuyan. ‘Di ba nga’t, hangga’t ikaw ay nagkukumpara, ‘di ka tuluyang magiging masaya? Kaya, mga kabataan, huwag ugaliing magkumpara. Dapat tanggapin ng bukal sa kalooban lahat ng biyayang natatanggap malaki man o maliit. Pana-panahon lang ‘yan. Kung sobrang saya mo noon at ‘di na gaano ngayon, aba! Dapat ka pa ring matuwa dahil binibigyan ka pa rin ng kasiyahan araw-araw.
Lalo namang hirap mag-move on ang mga kabataan kapag “ex” na ang pinag-uusapan. Paalala lang mga bagets, bata pa kayo para ikulong ang sarili n’yo para sa iisang tao lamang. Kung hindi man nag-work ang relasyon n’yo, gawin itong masayang alaala dahil aminin naman natin kahit gaano pa kabilis ang relasyon n’yo, napasaya ka pa rin naman niya.
MOVE ON, MOVE ON DIN.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo