MAY MGA NAGSASABING dahil daw sa bagyo kaya naapektuhan pati ang box-office take ng ilang pelikula. Kami naman ay hindi naniniwala rito.
Maraming pelikulang ang kumita sa takilya na ipinalabas sa kalagitnaan ng bagyo. Nariyan ang Tiagong Akyat ni Ramon Revilla na pinilahan ng mga tao at ang Beloved ni Nora Aunor. Most recently, ang talagang bumongga sa takilya na sumabay sa bagyo ay ang all-time record-breaking movie ng Star Cinema na Ang Tanging Ina.
Take for example, ‘yung Yaya & Angelina, The Spoiled Brat Movie, okey pa rin ang resulta kahit napasabay ito sa lakas ng bagyong Ondoy. May isang araw pa ngang nagsara ang mall theaters dahil sa kalamidad. Papasok pa lang ang bagyong Pepeng nang ipalabas ang Nandito Ako na tinatampukan nina Aljur Abrenica at Kris Bernal, pero nag-flop ito. Nag-ikut-ikot kami sa mga sinehan sa opening day nito at may pagkakataong nag-stop ng screening ang Gateway dahil wala talagang pumasok na kahit na isa. Noong last screening sa Gateway sa gabi, walo lang ang nanood.
Ang kasabay nitong Sabungero, isang indie film starring Joel Torre, ay mas kalunus-lunos ang nangyari. Bale opening day kami nang pumasok sa Gateway para manood, last full show bale, and we heard na nag-cancel din ito ng screenings noong hapon dahil wala talagang nanonood.
Kampante na kami sa loob ng sinehan, nag-o-opening credits na’t lahat, lumapit ang security guard sa amin. Nakikiusap na lumipat na lang kami sa ibang sinehan ng Gateway at inirekomendang manood na lang ng The Ugly Truth.
Ang rason sa amin ng usherette at sikyo, lugi na raw talaga ang sinehan kung mag-i-screening pa sila, e, wala namang paying viewer. Hindi namin nakuhang magtaray dahil gusto naming panoorin ang Sabungero at wala na kaming time for this, kaso, nakita agad namin ang point ng mga taga-sinehan na wala talagang saysay na mag-screening pa at mag-aksaya ng kuryente para lang sa manonood na MTRCB card lang naman ang gamit.
First time na nangyari sa amin ang ganyan. Sabi ng mga taga-Gateway, one week naman daw ipalalabas doon ang Sabungero, kahit na walang nanonood. E, kung wala talagang nanonood, mabuti kung magkaroon ng screening, gaya nga sa naranasan namin.
ISA SI REGINE Velasquez sa agad ay tumalima para mag-respond sa mga humihingi ng tulong sa mga taga-Balara, malapit ‘yun sa Ayala Homes sa Quezon City kung saan naninirahan ang singer-actress.
Ito ang naikuwento sa amin ni Ogie Alcasid na namumuno naman sa pakikipag-meeting sa ilang managers para sa malakihang fund-raising project na katatampukan, hindi lang ng Kapuso stars, pati na raw mga maka-Kapamilya kung papayag ang mga ito. Ito ay ang benefit concert na Kaya Natin ‘To na gaganapin sa Araneta Coliseum this coming November.
Hindi naman daw nagwawalang-bahala sina Regine at Ogie. Ito raw ang paraan din nila para tumulong. Kahit nga kay Ogie ay may mga lumalapit para pasukin niya ang politics sa nasasakupan ng Taal, Batangas, tinatanggihan niya. Para raw talaga siya sa showbiz at hindi sa politics. Makatutulong naman daw siya kahit wala siya sa politics. Oo nga naman.
Calm Ever
Archie de Calma