DALA ANG mga medical certificate personal na humingi ng saklolo sa inyong lingkod ang showbiz entertainment editor at columnist na si Joey Sarmiento matapos siyang bugbugin umano ng movie producer na si Neil Arce. Agad ko namang idinulog sa T3 Reload ang kanyang kaso.
Ayon kay Joey, noong nakaraang Sabado ng gabi, tiyempong napadaan siya sa isang bahay sa Quezon City, kung saan ay may nagaganap na shooting ng pelikula. Bumaba siya ng kanyang sasakyan para makiusyoso at napag-alaman niyang iyon ay shooting ng pelikula ni Robin Padilla.
Dahil kakilala niya si Robin, tiniyempuhan daw niyang lapitan daw ito para ma-interview at makunan na rin ng mga litrato. Nagpaunlak naman si Robin. Pagkatapos ng kanyang interview kay Robin namataan siya ni Neil – ang may-ari ng bahay at producer ng sinu-shooting na pelikula.
Sa mga oras na iyon, hindi raw niya kilala kung sino si Neil. Saka pa lamang niyang nalaman kung sino ito matapos siyang ayain nito sa labas ng bahay kasama ang dalawa pang lalaki. Pagdating sa isang sulok, siya ay pinaupo at siningil raw ni Neil dahil sa kanyang ginawang minsang pagsusulat ng negatibong artikulo laban kay Bela Padilla. Doon napag-alaman niyang girlfriend pala ni Neil si Bela.
Pinagsisigawan at pinagsasakal daw siya ni Neil. Pero hindi roon nagtapos ang pananakit dahil paulit-ulit daw siyang pinagsusuntok sa dibdib nito habang pinipigilan siya ng dalawang lalaki na kasama ni Neil para ‘di siya makapiglas. Ang isa pa nga raw sa kanila ay pinipilipit ang kanyang kamay.
Matapos daw ang ilang minutong pananakit sa kanya ni Neil, pinagbantaan siya nito na huwag niyang isusulat ang insidente at huwag magsusumbong. Nagyabang pa raw si Neil na pagtatawanan lamang niya ang lahat na gagawing paghihiganti ni Joey dahil sa insidente sapagkat marami siyang pera.
Para matapos na ang usapan, sinabi raw ni Joey kay Neil na kakalimutan na lamang niya ang nangyari.
BAGO MAI-ERE sa T3 ang reklamo ni Joey, tinawagan namin si Neil para kapanayamin upang maibigay rin niya ang kanyang panig. Pero tumanggi ito, at sa halip, nagpadala na lamang siya ng isang statement sa pamamagitan ng e-mail.
Ayon sa ipinadalang statement ni Neil, pumasok daw ang isang hindi kilalang tao sa kanilang family compound habang nagsasagawa ng film shooting ang kanyang production team. Nagpanggap daw ang taong ito bilang kamag-anak ni Senator Ping Lacson para makapasok.
At nang makapasok na, nilapitan daw siya ng taong ito at pinilit na magbigay sa kanya ng pera dahil kung hindi, magpa-publish daw ito ng isang kuwento na magiging kasiraan ng reputasyon ng kanyang girlfriend.
Agad daw na sinabihan niya ang taong ito na umalis. Pero, sa halip, pinagbantaan pa raw siya at sinabihang, “sigurado ka? Editor ako ng Remate.” Dahil doon, puwersahan daw nilang sinamahan palabas ang nasabing tao.
BILANG TUGON naman ni Joey sa statement ni Neil, sinabi niyang bakit pa niya kailangang magpanggap bilang ibang tao para makapasok lamang sa isang shooting ng pelikula samantalang kilala naman daw siya ng lahat sa industriya ng showbiz? Kilalang-kilala rin naman daw siya ni Robin Padilla.
Sinabi rin ni Joey, na hindi siya editor ng Remate. Editor siya sa Toro. Bakit daw niyang gagamitin ang isang pahayagan para sabihin na editor siya rito na hindi naman totoo samantalang mayroon namang isang pahayagan na kung saan siya ay talagang editor doon?
KAYO NA ang bahalang maghusga kung sino sa palagay ninyo ang nagsasabi ng totoo. Pero ito lang ang aking mga katanungan, bakit takot at ayaw magpa-interview ni Neil? Bakit kinakailangan pa niya ng abogado bago siya makapagbigay ng interview? Ito raw kasi ang nagpayo sa kanya na huwag munang magsalita.
Kung may nag-aakusa sa akin ng mga kasinungalingan tulad ng pambubugbog sa kapwa, at kinukuha ang aking panig para sa isang interview, agad akong magpapaunlak at hindi ko na kakailanganin pa ang serbisyo ng isang abogado dahil ayokong may nagtuturo sa akin kung ano ang mga dapat kong sasabihin.
Shooting Range
Raffy Tulfo