Movie Review: Bad Romance with Mercedes Cabral

ISANG KAKAIBANG pelikula ang napanood ko noong Linggo ng gabi. Hindi ako lumabas at sumugod sa paborito kong sinehan para mapanood ang ‘Bad Romance’, na pinagbibidahan ng Indie Film Princess na si Mercedes Cabral. Hindi rin po ako nag-download ng illegal na kopya o kaya’y bumili sa pirata. Sa pag-check ko ng Twitter updates ay nalaman ko na showing sa isang online movie theater ang nasabing indie film. Ito ay sa pamamagitan ng Grindhousetheater.com.
Seryoso ba ‘to? P’wede ko nang panoorin online ang pelikula kahit pa ongoing pa ang local screening nito?
Dahil sa katamaran kong lumabas, sinubukan kong mag-register sa nasabing website. Pagpasok ko sa ‘virtual cinema’ ay mahigit 200 ang katulad ko’y nag-aabang din sa paglabas ng pelikula. In fairness, sa umpisa lang ako nagkaroon ng problema sa pag-buffer ng video. Maganda ang quality at mabilis ang transaction. Kung i-offer din ng nasabing virtual cinema ang serbisyo nito sa iba pang indie filmmakers, ito ang magiging tulay para ma-appreciate din ng ibang Pinoy ang ilan sa natatanging obra ng mga baguhang direktor.
Ang Bad Romance ay mula sa direksyon ni Ian del Carmen at panunulat ni Irvin Malcolm. Si Mercedes Cabral ang bida ng pelikula at poster pa lang, alam mo nang ito ay isang love story gone wrong.
Masasabi ko na ang Bad Romance ang isa sa pinaka-weirdong Filipino films na napanood ko. Sa umpisa ay romance-comedy ang tinatahak na genre. Isang die-hard fan si Andrea (Mercedes Cabral) ng artistang si Sam Lloyd Pascual (ginagampanan ng baguhang si Francis Lopez). Masyado itong attached sa pelikulang ‘One More Chance’ na pinasikat ng Bea-John Lloyd-Maja trio. Isa itong halimbawa ng unhealthy fandom.
May steamy scenes din dito sina Francis at Mercedes. May eksenang hindi ako kumportableng panoorin, pero ‘yun naman ‘ata talaga ang pakay ng filmmaker. Sa bandang dulo ng pelikula ay naging isang horrorfest na ito. Bigla ko tuloy naalala ang ilan sa mga low-budget but scary western films noong araw. Bilib ako sa tapang ng cast and crew na ituloy ang nasabing konsepto. Ito ay bago at mapapansin mo rin na nag-effort talaga sila para makapag-palabas ng isang maayos na magulong pelikula. Na-gets n’yo ba ang ibig kong sabihin?
As usual, maganda ang performance ni Mercedes Cabral dito. Naaalala ko na noo’y nasabi niya na dream role niya ang pagiging isang psycho. Mas interesting sana kung napalawak pa nila ang role ni Aiza Seguerra bilang isang private detective at Ogie Diaz bilang isang talent manager na may pagnanasa sa kanyang alaga. Medyo awkward lang din ang ilan sa mga eksena ni Francis Lopez bilang Sam Lloyd Pascual. Kunsabagay, ito pa lang ang una niyang sabak sa pag-arte. Mas hawig nga niya si JM de Guzman.
Ayos lang din ang performances nina Archie Alemania, Jayson Gainza, Raul Morit, Rey PJ Abellana, Karen Gallman, Flor Salanga at Janelle Manahan.

Showbiz Blogster
by Mica Rodriguez
Pinoy Fans Club

Previous articleKathryn Bernardo at Daniel Padilla, hindi mapaghiwalay
Next articleAi-Ai delas Alas, ginawang teleserye ang kanyang kasal?!

No posts to display