SUMIKAT SA You Tube ang magkapatid na binata na sina James at Rodfill Macasero bilang sina Moymoy Palaboy sa kanilang team-up sa pagpapamalas ng kakaibang talento, ang pagli-lipsync ng mga latest popular songs.
Naispatan sila ng team-cast ng Bubble Gang at isinali sa programa. Dito na sila nagsimula na lalo pang makilala ng mga manonood. Ngayon ay malapit na silang maglimang taon sa showbiz. Mula sa pagkanta ay nabigyan din sila ng break ng Kapuso Network na sumabak sa pag-arte at magkaroon ng ibang project. Regular na sila sa I Bilib kasama ng host na si Cris Tiu at iba’t ibang guest every Sunday at 10:00 p.m. Nakapag-release na rin sila ng sariling album titiled Moymoy Palaboy Uploaded released by Sony Records Phils.
Ngayon ay mayroon na silang kanya-kanyang pamilya at pareho na rin silang may tig-isang anak. Twenty-nine years-old na si James at twenty-seven naman si Rodfill. Naisipan ng magkapatid na magkaroon naman ng ibang pagbabago sa buhay lalo na sa kanilang career. Kaya minabuti nilang magkanya-kanya na muna sila ng diskarte sa buhay.
Napagdesisyunan ni James a.k.a. Moymoy na magtakda ng isang solo concert nitong katapusan ng Enero na ginanap sa Off The Grill restobar along Timog Ave. Q.C. Sinuportahan naman siya ng ilang kasamahan niyang casts ng Bubble Gang sa pangunguna ni Ogie Alcasid at ilang malalapit na kaibigan. Nakasama niya sa nasabing concert bilang guest performers ang Shamrock Band, Itchyworms, Delo ng Shamrock at ang kanyang kanyang sariling banda, ang Moymoy Band.
Ito ang kanyang first ever solo concert, kung saan isinabay na rin niya ang launching ng kanyang first ever single album titled Enjoy Mo Lang na sarili niyang likha.
Lubos umano ang kanyang pasasalamat sa Diyos sa mga tinatamasa niyang success sa buhay. “Nagpapasalamat din ako sa mga friends ko at mga sumusuporta sa amin ng ng brother ko, lalo na sa mga nagbigay ng pagkakataon na makapasok kami sa showbiz.
“Gusto ko rin ipaalam sa lahat, magkasama pa rin kami ng brother ko sa mga project sa Kapuso Network. Maghihiwalay muna kami pansamantala at wala kaming itinatagong sama ng loob sa isa’t isa,” paliwanag ni James.
By Maria Luz Candaba