IPINAGMALAKI NG magkapatid na sina Rodfil Obeso at James Ronald na mas kilalang Moymoy Palaboy sa Bubble Gang na seryoso raw sila sa binuong band na Pard kasama ang Bubble Gang barkada na sina Boy 2 Quizon, Antonio Aquitania at RJ Padilla, utol sa ama ni Daniel Padilla, na kasama na rin cast ng gag show na napapanood every Friday sa GMA 7.
Nakagawa kaagad sila ng single na Que Que at music video na kinunan at ginawa pa nila sa Baguio. Pumayag din si Gwen Zamora na maging Que Que girl na kasama rin nila sa Bubble Gang.
Bago tinanggap ni Gwen ang offer ng barkada, ipinarinig muna nila sa actress ang kantang Que Que na ikinatawa naman nito at kaagad na umoo agad na kunan ang music video.
Nabuo kaagad ang bandang Pard dahil sa pagtutulungan nilang BG barkada. Lahat ay nag-ambag ng cash, lalo nang producer na rin si Boy 2.
Nagpapasalamat si Rodfil dahil tatlong taon na siyang scriptwriter ng Bubble Gang at thankful siya kay Michael V na hindi lang barkada ang turing, kundi mentor niya sa pagusulat at pag-arte.
Tuloy pa rin ang banda nilang magkapatid na Moymoy Gang na may regular gig sa Cowboy Grill sa Delta at Carlitos Bar sa Montalban, Rizal.
Sa 6 na taong kasama sila sa Bubble Gang, nakapagpundar na rin sila ng kanyang kapatid ng kani-kanilang negosyo.
Kung noon daw pa sana nagkaroon sila ng pagkakataon mapasama sa gag show ng GMA 7, baka naisalba pa nila ang buhay ng mahal nilang ina. Nang magkasakit daw kasi ang kanilang magulang ay wala sila kahit singkong duling para madala sa ospital at mapagamot ang mahal nilang ina.
Ngayong nagkaroon sila ng pagkakataon makaipon, sinisiguro nila na pagkakaingatan ang bawat sentimo kinikita para kung darating ang pangangailangan ay may huhugitin silang panggastos.
MAGKAKASABAY NA showing sa mga sinehan ang mga local movies. Sana lang ay kumita ito at hindi maging first day at last day sa mga sinehan.
Sa panahon ngayon, walang interes ang mga moviegoers na manood ng sine at kung manonood man ang mga kababayan natin ay mga foreign films ang pinanonood at dedma sa mga local movies.
Konsuwelo na lang ng mga kababayan nating manood ng local movies sa taunang festival na Metro Manila Film Festival na hindi rin lahat ng mga naging entry ay kumikita sa takilya.
Sa mga local movies na nakatakdang ilabas next week sa mga sinehan, good luck!
Oh. C’mon!
By Gerry Ocampo